PORK, PORK, OINK, OINK

MASAlamin

PAMBABABOY sa mamamayan ‘yang pork barrel na ‘yan.

“If it looks like pork, smells like pork then it must be pork,” pahayag ni Sen. Ping Lacson.

Tama si Sen. Lacson, it is pork. Mga h…op na ‘yan, ganitong naghihirap ang taumbayan, mag-i-insert pa ng pagkakakitaan nila sa national budget. Kaya pinatatagal-tagal ‘yang deliberation na ‘yan at kung pahirapan ang bawat departamento ay ganyan na lamang e kasi, bukod sa pork barrel nila na P60 million bawat isang kongresista, e pinalulusot ang kani-kanilang insertion sa budget ng bawat ahensiya.

Pork ‘yan kahit saan tingnan at dispa­linghado rin ang hatian sa pork, bilyon-bilyon ang napupunta sa mga lalawigang malalakas magpalusot.

Paano nga ba nagagawang pagkaperahan ‘yang pork? Una, halimbawa kung ‘yan ay proyeto na under ng Department of Public Works and Highways halimbawa, may clearance ang contractor na makakakuha riyan sa proyektong ‘yan. Ibig sabihin, kontratista na bata ni Tongressman ‘yan.

Ayon kay Sen. Lacson, may porsiyento riyan si Tongressman, ang mga kasabwat sa Commission on Audit, mga miyembro at head ng Bids and Awards Committee (BAC), Technical Working Group at siyempre kay District Engineer.

Kaya naman ang naiiwan sa proyekto ay malauhog na, ibig sabihin, maliit na porsiyento na lamang ng aktuwal na budget.

Isipin mo kung ilang bilyong pisong budget ‘yang dadaan sa mga kamay ng mga mandurugas na ‘yan.

Paano naman ‘yung tinatawag na insertion? Ah, ‘yan ang mother of all pork barrel. ‘Yan ang pinakamalaki, multi-bilyon ‘yan na nakatago sa isang departamento o ahensiya. Halimbawa, ang budget ay para sa modernisasyon ng isang ahensiya. Dahil alam naman ng mga ulo riyan sa ahensiya na si Tongressman ang may pakana riyan at may say siya sa kontratista na makakakuha ng proyekto.

Ayos lamang sa kanila ‘yan dahil may porsiyento rin naman ang hepe ng ahensiya at katulad sa pork, ay mayroon din ang COA at ang BAC.

Papaano napalulusot ‘yang insertion at para sa isang specific project ‘yan? Ang diskarte ng mga mandurugas na ‘yan ay ganire: ang specifications na itatakda ng Technical Working Group (TWG) diyan ay unique sa supplier ni Tongressman. Voila! Swak sa bulsa ang pinagpawisan at pinagduguang pera ng bayan ni Juan!

Tama si Sen. Lacson, matagal na dapat binuwag ‘yang pork barrel na ‘yan, kaso nga katulad ng anti-dynasty provision ng proposed Bayanihan Constitution ng ConCom ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, e hindi papayagan ni Tongressman ‘yan!

Comments are closed.