PORK PRODUCTS SA CV MATATAG -DA

DA-IMPORTED PORK.jpg

NANATILING matatag ang supply ng karne ng baboy partikular sa Central Visayas kahit may banta ng African Swine Fever (ASF) na kasalukuyang kumakalat sa ibang bansa.

Ito ang pahayag ni Dr. Daniel Ventura Jr., ASF regional focal person ng Department of Agriculture, na ang swine industry sa Region 7  na top five pork producing regions sa bansa ay hindi apektado at mananatiling matatag para mag-supply ng pork products.

Ayon kay Ventura, laging  nakaalerto ang kaukulang ahensya ng pamahalaan para sugpuin ang pagpasok ng ASF at nananatiling free sa ASF ang bansa

Pangunahing aksyon ng DA na kausapin ang mga commercial feed millers bilang bahagi ng ASF prevention efforts.

Masusing mino-monitor ang mga raw material na gamit sa commercial feed ng baboy mula bansang apektado ng ASF  kung saan kabilang ang mga tauhan at opisyal ng pantalan na inalerto.

Base sa data ng Philippine Statistics Authority, lumilitaw na ang swine population sa bansa ay umaabot sa 13.3 milyon noong Oktubre 2918 kung saan ang Central Visayas ang pinakamarami.

Matatandaan na noong Martes, ipinag-utos ng Food and Drug Administration (FDA) na e-pull out at kumpiskahin sa buong pamilihan at commercial shop ang processed pork na nagmula sa bansang apekado ng ASF.

Maging ang distributors at ilang dealer ng processed meat products ay ipinag-utos na sundin ang direktiba ng FDA.

Nagsanib-puwersa na rin ang Department of Agriculture at hog industry stakeholders para himukin ang pamunuan ng FDA na e-recall ang processed pork products, kabilang na ang processed luncheon meat Ma Ling na may manufactured date August 2018.

Sinabing kabilang sa mga bansang apektado na ng ASF ay ang Russia, Ukraine, Czech Republic, Moldova, South Africa, Zambia, Hungary, Bulgaria, Belgium, Latvia, Poland, Romania, China kabilang ang Hong Kong at Macau, Mongolia, Vietnam, at Cambodia.

Base sa ulat, ang ASF ay sinasabing walang direktang epekto sa kalusugan ng tao su­balit ang pagkalat nito ay malaking dagok sa hog industry na maapektuhan ang supply at pres­yo.

Sa tala ng United Nations,  wala pang vaccine o gamot laban sa ASF na unang nadiskubre sa bahagi ng Asya sa Siberia noong 2018 kaya noong Disyembre 2018 ay nagpalabas ng kautusan ang DA na lahat ng pork products mula sa apektadong bansa ay kompiskahin pagpasok pa lamang sa point of entry para maiwasan ang pagkalat nito.

Sa mga mamimili ay inabisuhan naman ng Food and Drug Administration na maging mausisa sa pagbili ng processed pork meat products at pinayuhang tangkilikin ang processed meat products na rehistrado sa FDA mula sa bansang hindi apektado ng ASF virus.                   MHAR BASCO

Comments are closed.