DAHIL masasabaw ang masarap kainin kapag ganitong malamig ang panahon, isa sa masarap subukan ang Pork Ramen. Isa ang pagkaing ito sa kinahihiligan ng marami. May mga kainan o mabibilhan ng mga ganitong klaseng comfort food na itinatayo ngayon sa tabi lang ng kalsada o kung saan may maliit na espasyong puwedeng pagbentahan at daanan ng tao. Kagaya lang ito ng lugaw o goto na magkaroon ka lang ng maliit na espasyo at dinaraanan ng maraming tao, maaari ka nang magtayo ng iyong negosyo.
Kapag ganitong malamig ang panahon, sadyang kaysarap humigop ng mainit at masarap na sabaw. Iyong sa paghigop mo pa lang, tanggal ang lamig na iyong nadarama.
Kahit na malamig kasi ay hindi nawawalan ng tao sa kalsada. Nariyan ang driver na sa kahit na anong panahon ay pumapasada upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Ang ilan naman ay mga taong naglalakad o pauwi sa kani-kanilang bahay galing sa trabaho.
Sa mga maliliit na kainan o turo-turo, ang mga driver at taong pauwi ang galing sa trabaho na inabot ng madaling araw ang pangunahing tuma-tangkilik sa mga gotohan, lugawan at ngayon nga ay bilihan ng ramen.
Abot-kaya sa bulsa lang din kasi ang mga pagkaing ito kaya’t tinatangkilik ng marami. Ang ilan nga, sadyang lumalabas pa sa kanilang bahay makabili lang ng ramen, lugaw o kaya naman goto.
Pero hindi lang din tayo maaaring bumili ng mga nabanggit na pagkain sapagkat kayang-kaya natin itong lutuin kahit na nasa bahay ka lang.
Mas magigig katakam-takam pa ito at higit sa lahat, masisiguro mo pang ligtas itong kainin.
Sa mga mahihilig sa ramen, bakit hindi ninyo subukan ang pagluluto nito. Tiyak na kapag nakapagluto kayo kahit na isang beses lang, hahanap-hanapin o uulit-ulitin n’yo na ang paggawa nito.
Maraming klase ang ramen soup. Isa na nga rito ang Shio ramen na tinaguriang “oldest of the ramen broth”. Shio na nangangahulugang asin. Sa ganitong klase ng ramen, kadalasang ginagamit na base ang chicken o pork.
Mayroon din namang tinatawag na Tonkatsu ramen. Ang broth na ito ay thick naman o makapal at puti ang kulay.
Ang puting kulay nito ay mula sa pinakuluang pork bones ng maraming oras o matagal na oras.
Isa pa sa klase ng ramen ang miso na na-develop sa Hokkaido Japan noong 1960’s at tinaguriang “youngest of the ramen broth”. Ang Shoyu naman ay may soy sauce base. Clear at brown ang kulay nito. Ito naman ang klase ng ramen na kilala sa Tokyo.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa klase ng ramen soup na maaari nating subukan.
Gayunpaman, dahil may iba’t iba tayong hinahanap na lasa, puwede rin naman tayong gumawa ng sarili nating bersiyon. At sa mga naghahanap ng pinakasimpleng recipe ng ramen, isa ang pork ramen sa maaari ninyong subukan.
PORK RAMEN RECIPE
Sa mga gustong malaman kung papaano niluluto ang pork ramen, ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang bawang (fried), pork belly na hiniwa ng maninipis, tubig. pork cubes, toyo, hard-boiled egg, chili bean paste, spring onions para pang garnish at ang ramen noodles.
Paraan ng paggawa:
Unang kailangang gawin, lutuin na muna ang ramen noodles ayon sa packaging instruction. Itabi na muna ito.
Pakuluan ang pork belly hanggang sa makagawa ng broth. Kapag may broth na, tanggalin na ang pork belly sa lutuan.
Pagkatapos ay kumuha ng isa pang lutuan, ilagay naman doon ang bawang, pork belly, tubig at pork cubes saka ito pakuluan hanggang sa lumambot na nang tuluyan ang pork belly.
Habang pinalalambot ang pork belly, timplahan naman ang broth. Lagyan ito ng toyo at chilli beans. Kapag natimplahan na, maaari nang ilagay ang ramen noodles. Pakuluin ng ilang minuto.
Sa pagse-serve ng pork ramen, ang kailangan lang gawin ay ilagay sa serving bowl ang ramen noodles, buhusan ng ginawang broth saka lagyan sa ibabaw ng sliced prok belly, hiniwa sa gitna na hard-boiled egg, fried bawang at spring onions.
Napakasimple lang ng paggawa ng pork ramen kaya hindi mo na kailangan pang lumabas o magtungo sa restaurant o kainan para matikman ito. Sa bahay lang ay kayang-kaya mo itong ihanda. Masarap itong pagsaluhan ng buong pamilya lalo na kapag sobrang lamig ang pamahon. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.