State of being ang pagiging artist. Isa itong mindset, kung saan mayroon kang sense of strong inspiration, na nakikita mo sa mga hindi inaasahang lugar o bagay, na nagbibigay sa’yo ng matinding pagnanasa na makalikha ng isang obra. Minsan, pakiramdam mo ay isa itong panghabambuhay na paglalakbay kung saan nais mong hasaain pa ang iyong kaunting kakayahan. Palagi, naiisip mong may kulang, at ikaw mismo ang pinakamatindi mong kritiko.
Tama. Isa ka ngang artist.
Isang araw ay nagising ka — na puno ng emosyon at ideya. Marami kang mahalagang ideya na nais mong ipabatid gamit ang panulat o pag-arte, o sa kahit anong paraan. Ngunit masikip ang mundo para sa isang taong katulad mo, na isinilang at lumaki sa isang batang simple ang pamumuhay, at walang gaanong impluwensya ang creative work lalo na sa visual arts at theater. Hindi kinikilala ang tula, sculpture, lalo na ang tattoo, na ayon sa matatanda, ay para lamang sa mga nagsilbi ng sentensya sa bilangguan.
Ngunit iba si Renerio Concepcion, na mas Kilala ng marami sa katawagang “Kuya Renerio,” isang authentic artist by heart, simula pa sa kanyang kabataan.
Sinasabi niyang siya ay isang elderly actor, manunulat, dating propesor sa unibersidad, at mahilig Kumain ng wanton Mami, pansit miki, bihon at soranghon. Isinilang siya noong December 29, 1955 sa Nasugbu, Batangas, at sa lugar na ito, nabuo ang mga pangarap.
Minsang pinangarap niyang maging pari, ngunit hindi laan sa kanya ang buhay na iyon. Bagkus, may ibang plano sa kanya ang Maykapal. Itinatag niya ang Simpana, ang nag-iisang theater group sa kanilang bayan, kung saan ang mga miyembro ay mga kabataang may hilig sa pag-arte sa entablado.
Hindi man siya naging pari, nanatili pa rin ang taos-puso niyang paglilingkod sa Diyos at sa kapwa — sanhi marahil kung bakit hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makahanap ng makakasama sa buhay. Ginugol niya ang kanyang kabataan sa paghasa at paggabay sa mga kabataan sa pag-arte (Simpana) at edukasyon (bilang propesor sa unibersidad). Itinutok rin niya ang atensyon sa pagsusulat, sanhi upang makamit siya ng dalawang Palanca Awards.
Kalauna’y, sa panahon kung kaylan malapit nang lumubog ang araw sa karagatan ng karimlan, saka naman siya nagkaroon ng pagkakataong makapasok sa showbiz bilang aktor sa ilang pelikula at teleserye. Marahil, maaari niyang ipagmalaki ang isang tropeyo ng Best Actor na kanyang mapanalunan.
“Ang isang artist ay dapat masaktan Bago naging mahusay sa kanyang larangan,” ani Kuya Rener.
Tulad ng ginto, kinakailangang itong dumaan sa apoy upang mahubog bilang magandang alahas.
Tulad ng brilyante, kinakailangang itong tapyasin upang umakma sa tamang hubog.
Tulad ng isang talaba, ang husay ng isang artist ay nagsisimula sa munting buhanging aksidenteng pumasok sa kanyang kaibuturan. Masakit sa umpisa, subali’t sa tinagal-tagal ng panahon ay nasasanay rin. Inaalagaan niya ito, hanggang sa maging isang mahalagang yaman — ang perlas.
Ang perlas ang sumisimbulo sa kakayahan ng isang artist, na nagmula sa pait at sakit, na sa kalauna’y naging kanlungan ng husay sa kanyang napiling larangan. NENET L VILLAFANIA