MAAARING maitala ang inflation na mas mababa sa target band ng pamahalaan sa first quarter ng 2024, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
Kamakailan ay ibinaba ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang inflation forecast nito para sa 2023 sa 5% hanggang 6% mula sa naunang pagtaya na 5% hanggang 7% na inanunsiyo noong Abril.
Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng inflation, na naitala sa 6.1% noong Mayo mula sa 6.6% noong Abril, na naghatid sa year-to-date rate sa 7.5%.
Ito ang ika-4 na pagkakataon na bumaba ang inflation mula sa pinakamataas na 8.7% noong Enero at ang pinakamababa magmula sa 6.4% noong Hulyo 2022. Sa isang forum nitong Miyerkoles, sinabi ni Diokno na ang inflation ay magiging pasok sa band na 2%–4% sa fourth quarter ng taon.
Sa pagtaya pa ng Finance chief, sa first quarter ng 2024, ang inflation ay magiging below 2%.
Naunang sinabi ng DBCC na babalik ang inflation sa target range na 2% hanggang 4% sa 2024 dahil ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO), ay nagkaloob ng proactive measures upang tugunan ang tumataas na presyo ng bilihin.