POSIBLENG magpatupad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng panibagong monetary rate adjustment ngayong buwan.
Ayon kay BSP Governor Felipe Medalla, ang susunod na rate hike ay bahagyang nakadepende sa kalalabasan ng inflation rate ngayong Pebrero.
Aniya, kapag ang Consumer Price Index para sa Pebrero ay mas mababa kumpara noong nakaraang buwan, may tsansa na hindi gumalaw ang policy rate.
Gayunman, sinabi ng BSP chief na may posibilidad ng 25 o 50 basis point hike sa susunod nilang pagpupulong sa Marso 23.
Maingat si Medalla sa pagbibigay ng numero dahil marami pa ang maaaring magbago.
Nauna niyang sinabi na ang December inflation rate ay nasa peak na, subalit ang January inflation ay tumaas pa sa 8.7%, ang pinakamataas magmula noong 2008.