(Posible ngayong taon) RRR CUT SA MGA BANGKO

MAAARING tapyasan ang reserve requirement ratio (RRR) ng mga bangko at financial institutions (FI), ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona.

“Within the year, very possible. It depends on the data as usual,” pahayag ni Remolona sa isang forum nitong Sabado.

Huling binawasan ng BSP ang ratio – na nagdedetermina sa bahagi na dapat panatilihin at hindi ipautang ng mga bangko at FIs sa banking functions – ng  250 basis points, bumaba ng 9.5% noong June 2023.

Samantala, nang tanungin ng media kung kinokomsira ng central bank ang pagluluwag sa policy rates sa first semester ng 2024, sinabi ni Remolona na: “I don’t know. It depends on the data as we always say, but it’s looking good. We like the trend so far. I would say it’s possible but maybe not likely.”

Sa kanilang huling pagpupulong para sa 2023, pinanatili ng BSP Monetary Board ang policy rate sa 6.5%. Pinanatili rin nito ang  rates sa overnight deposit at lending facilities sa 6% at 7%, ayon sa pagkakasunod.

Idinagdag nito na pinag-aaralan ng BSP ang ginagawa ng ibang central banks sa buong mundo sa kanilang policy rates. Sinabi ni Remolona, na kababalik lamang mula sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland, na ang paglago sa US ay upside sa  3%, na nangangahulugan ng mas magandang  prospects para soft monetary policy landing at malakas na ekonomiya.

“China was in a growth recession – even though it was positive at around 5%, it is slower than what the eastern power and the world are used to,” dagdag pa niya. Sinabi rin niya na ang paglago ng Europe ay halos zero.