(Posible sa Agosto) INTEREST RATE CUT

NAGPASYA ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na panatilihin ang policy rates sa ika-5 sunod na pagpupulong.

Gayunman, nagpahiwatig ito sa posibilidad ng pagbaba ng rates sa Agosto dahil sa inaasahang pagbagal ng inflation.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., pinanatili ng Monetary Board ang target reverse repurchase (RRP) rate sa 6.5%, ang overnight deposit rate sa 6.0%, at ang overnight lending facility rate sa 7.0%.

Ito ang pinakamataas sa loob ng 17 taon magmula nang manatili ang benchmark rate sa  7.5% noong May 2007.

Kasunod ito ng pagbaba ng inflation outlook sa 3.8% mula 4.0% projection noong Abril dahil sa mas mataas na singil sa transportasyon, presyo ng pagkain, singil sa koryente, at global oil prices.

Ang baseline inflation forecast para sa taon ay ibinaba rin sa 3.5% mula 3.8% sa naunang policy meeting noong Abril.

“The Monetary Board deems it appropriate to ensure sufficiently tight monetary policy settings until inflation settles firmly within the target range. A restrictive policy stance will also help keep inflation expectations anchored amid a possible buildup in upside risks to future inflation,” sabi ni Remolona.

“The Monetary Board reiterates its support for the national government’s non-monetary measures to address persistent supply-side pressures on food prices and to prevent further second-round effects,” dagdag pa niya.

Ang inflation noong Abril ay bumilis sa 3.8% noong Abril mula 3.7% noong Marso, subalit mas mabagal kumpara sa 6.6% noong Abril 2023. Ito rin ang pinakamabilis magmula nang maitala ang 3.9% noong Disyembre 2023.

Sinabi rin ni Remolona na ang BSP ay  ”less hawkish” ngayon at ipinahiwatig ang posibilidad ng pagtatapyas ng rates sa Agosto.

“We are actually somewhat less hawkish than before, which means we could ease or cut rates in the third quarter or fourth quarter of this year, so the second half of this year,” aniya.

“Yes, possibly by August of this year,” dagdag pa niya nang tanungin kung posible ito sa Agosto 15, 2024, ang tanging policy meeting na nakaiskedyul sa  third quarter.

Ang  key policy rates ay tinaasan ng BSP ng 450 basis points magmula noong  Mayo 2022 sa layuning mapahupa ang inflation, na may average na 6.0% noong 2023, mas mataas sa target range na 2.0% hanggang 4.0%.

LIZA SORIANO