(Posible sa Chocolate Hills resort) P5-M MULTA,12 TAONG KULONG

MAAARING maharap ang resort na nag-o-operate sa Chocolate Hills protected area nang walang environmental compliance certificate (ECC) sa hanggang P5 million na multa, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“Under the E-NIPAS Law po, ‘yun ang mabigat kasi there are penalties for criminal liability. May mga penalty po siya. It is not small, minimum of P1 million to P5 million maximum for criminal liability,” pahayag ni DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna.

“Mayroon pong karagdagang minimum of six years to maximum of 12 years imprisonment for putting up structures without the appropriate permits within the protected area,” dagdag pa ni Cuna.

Aniya, bukod sa posibleng criminal liability, ang Captain’s Peak Resort ay maaaring pagmultahin ng P50,000 hanggang P5 million para sa administrative violations,

Samantala, aalamin ng DENR kung may pananagutan ang  local field offices nito sa kontrobersiya, lalo’t ang resort ay nakapagpatuloy sa operasyon sa kabila ng temporary closure na inisyu noong September 2023.

Ayon sa DENR, may responsibilidad din ang local government units sa isyu.

Kinuwestiyon ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang municipal government ng Sagbayan sa pag-iisyu ng building permit sa resort kahit wala itong ECC.