MAAARING tapyasan pa ng Monetary Board ang policy rates sa susunod na monetary policy meeting sa Disyembre, ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona.
Sa sidelines ng BSP-IMF Systemic Risk Dialogue sa Cebu, sinabi ni Remolona sa mga reporter na posible ang panibagong 25 basis point cut bago matapos ang taon, at 100bps rate cut sa kabuuan sa susunod na taon.
“We are still in the easing cycle. Either we cut in December or in the next meeting. Pero dahan-dahan lang,” ani Remolona.
Gayunman ay sinabi ng central bank chief na hihintayin nila ang inflation number sa Nobyembre, subalit kumpiyansa rin siya para sa fourth quarter growth ng bansa.
Ang key policy rate ay tinapyasan ng 25 basis points noong Oktubre, kasunod ng initial 25 bps cut noong Agosto, na siyang unang cut sa halos apat na taon.
Noong Oktubre, ang Target Reverse Repurchase Rate o policy rate ng BSP ay nasa 6 percent mula 6.50 percent noong nakaraang taon.
Ang inflation ay bumilis sa 2.3 percent noong Oktubre mula 1.9 percent noong Setyembre.
Ang mas mabagal na inflation ay nagbigay-daan upang tapyasan ng BSP ang interest rates ng cumulative 50 basis points sa kasalukuyan ngayong taon.