POSIBLENG magpatupad ang North Luzon Expressway ng panibagong dagdag-toll sa susunod na buwan.
Ayon kay Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo, ang pagrerebyu sa aplikasyon ng NLEX Corporation para sa toll hike ay nasa advanced stage na at maaaring talakayin sa susunod na board meeting ng TRB.
Ang NLEX ay nagpatupad ng toll hike noong Hunyo 2023, subalit pinayagan lamang ito na makakolekta ng kalahati ng periodic adjustments na karapatan nito para sa 2018 at 2020. Kung maaaprubahan ay magsisilbi itong second tranche ng dagdag-toll.
Ayon kay Carullo, ang posibleng toll hike ay kapareho noong una na dagdag na P7 sa open system at P0.36 per kilometer sa closed system.
“The toll rate increase was divided into two, 50 percent for 2023 and 50 percent for 2024,” ani Carullo.
Sa kabila ng bigat sa mga motorista, sinabi ni Carullo na kailangan ding isaalang-alang ng board ang financial situation ng toll operators.
“We cannot deny all the petition for toll fee increase precisely because they also have to comply with their obligations to their lenders,” aniya.
Bukod sa NLEX, ang South Luzon Expressway (SLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX) ay may nakabimbin ding toll hike proposals.