(Posible sa susunod na linggo) ROLBAK PA SA PRESYO NG PETROLYO

NAGBABADYA ang panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE).

Gayunman, sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla na hindi dapat masyadong umasa ang mga motorista dahil sa external factors na maaaring makaapekto sa oil price.

Tinukoy ang global oil trading sa nakalipas na dalawang araw, sinabi ni Lotilla na naoobserbahan ang downtrend sa presyo ng petrolyo, na maaaring mag-reflect sa retail prices sa susunod na linggo.

“But, of course, you know that it is volatile and we have to always be ready because we are already moving towards the winter months, [when] normally prices will increase,” ani Lotilla.

“We have to manage our expectations that this will continuously go down because there are a lot of external factors involved,” dagdag ng Energy chief.

Nitong Martes, Setyembre 26, ay nagpatupad ng bawas-presyo ang mga kompanya ng langis matapos ang ilang linggong magkakasunod na price hike.

Ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay bumaba ng P0.20 habang nasa P0.50 kada litro naman ang rolbak sa presyo ng kerosene.

Sa datos ng DOE, hanggang Setyembre 26, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P17. 30 kada litro, diesel ng
P13.40 at kerosene ng P9.44 kada litro.