(Posibleng ilabas sa 2023 o 2024) LOCALLY DEVELOPED ASF VACCINE

vaccine-asf

MAAARING ilabas sa 2023 o 2024 ang bakuna laban sa African swine fever (ASF) na dinedebelop ng local research company na kinuha ng Department of Science and Technology (DOST).

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOST Undersecretary Rowena Guevara na ang bakuna para sa viral disease na tumatama sa mga baboy ay karaniwang nade-develop sa loob ng dalawang taon.

Ayon kay Guevarra, ang veterinary research and diagnostic laboratory BioAssets Corporation ay gagawa munacng ASF test kits na maaaring ilabas sa katapusan ng taon o sa kaagahan ng 2023.

“Meron rule ang Department of Agriculture na kapag may isang na-detect lang na baboy na may ASF, isang kilometro, lahat ng baboy do’n papatayin. Kapag 7 kilometers, may rules din sila. Kung magkakaron tayo ng detection kit, hindi na kailangan lahat patayin. Pwede mo nang i-detect kung sinong baboy lang ang may sakit at kailangan natin i-dispatsa,” aniya.

Ayon pa sa opisyal, magtatayo rin ang BioAssets Corp. ng mobile laboratory na ide-deploy sa Mindanao at direktang pupunta sa mga lugar na hinihinalang may mga kaso ng ASF upang madaling masuri kung ang mga baboy ay talagang infected.

Aniya, ang nasabing mobile laboratory unit ay makatutulong sa mga veterinarian at sa mga farmer para magkaroon ng diagnostics sa point nang sa gayon ay makaresponde agad sa disease outbreak.

Noong nakaraang buwan ay limang barangays sa Zamboanga City ang isinailalim sa “red zone” dahil sa mga kumpirmadong kaso ng ASF sa naturang mga lugar.