PINAYUHAN ng mga awtoridad na huwag munang payagan ng local government units na makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente inilikas mula sa mga bayan na apektado ng ashfall sa muling pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon noong Linggo.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ito ay sa posibilidad na pumutok pang muli ang Bulkang Bulusan.
Kasunod ng ginagawang monitoring ng Phivolcs, sa huling observation ng mga eksperto ay naglabas ng singaw (steam) na namataan sa bahagi ng Casiguran, Sorsogon nitong Lunes.
“Ito ay mangyayari kapag ang usok ay may pressure. Kung tuloy-tuloy lang paglabas, mas maigi na ‘yan kaysa makaipon ng pressure. Pero kailangan nating pag-ingatan na talagang possible pang magkaroon ng mga pagsabog,” ani Phivolcs Director Renato Solidum.
Ang bahagyang pagtaas ng volcanic earthquake, steam/gas activity, sporadic explosions mula sa existing o new vents at bahagyang inflation o pamamaga ng edipisyo ng Bulusan Volcano ay naobserbahan ayon sa pinakahuling advisory ng Phivolcs.
Kaya’t ani Solidum, posibleng magkaroon pa ng mga pagsabog sa Bulusan dulot ng mga phreatic eruption episodes na hindi lang 1 o 2, minsan mas marami.
Dahil dito, patuloy na pinag-iingat ang mga taga-Sorsogon sa masamang epekto ng pagsabog ng bulkan.
“Siguraduhing may bitbit parating mga mask para naman pong may pagbagsak ng abo ay maisuot ito, maigi kung N95 at kung nasa bahay naman ay manatili sa loob ng bahay o pumasok sa loob ng bahay habang may pagbagsak ng abo,” bilin ni Solidum.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga residente na malapit sa ilog ang mga bahay, bantayan kung may malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan dahil baka magkaroon ng baha na may putik o di kaya ay lahar.
Samantala, sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng 106 na volcanic earthquakes sa paligid ng Bulkang Bulusan, 48 rito ay volcanic tremors na tumatagal ng 20 minuto.
Napansin din ng PHIVOLCS ang malaking buga ng usok ng bulkan na may 500 metro ang taas mula sa bunganga nito.
Naglabas din ang bulkan ng 4,627 tonelada ng sulfur dioxide .
Nananatili naman sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan kung kaya’t pinagbabawalan pa rin ang pagpasok sa 4-kilometer permanent danger zone at 2-kilometer extended danger zone.
Samantala abala ngayon ang mga Philippine Coast Guard (PCG) personnel ng PCG Station Sorsogon maging ang mga tauhan ng pamatay sunog sa lalawigan sa pamamahagi ng water supply sa mga residente na apektado sa pagsabog partikular sa Barangay Lajong, Juban, Sorsogon. VERLIN RUIZ