(Positibo pa sa COVID-19) OVERSTAYING JORDANIAN DINAKIP NG IMMIGRATION

INARESTO ng Immigration operatives ang isang overstaying Jordanian sa pinagtataguan nito sa San Jose, Baliuag Bulacan.

Kinilala ang suspek na si Al Barghouthi Tarek El Abed Darwish, 43-anyos na nadakip sa pakikipagtulungan ng local Philippine National Police (PNP) sa Baliuag.

Ayon kay BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr. si Barghouthi ay mayroon nakabinbin na Warrant of Deportation na inisyu ng Immigration noong pang Oktubre ng nakaraang taon.

Batay sa report, naaresto ang dayuhan ng mga tauhan ng immigration Intelligence Division sa harap ng kanyang food stall business sa lugar kung saan siya dinampot at nadiskubre na positibo sa COVID-19 matapos ang ginawang swab testing sa Philippine General Hospital.

Agad na dinala ito sa isolation area at agad na ginamot para sa kanyang sakit at kasalukuyang patuloy na binabantayan ng mga doktor ang kanyang kalagayan, upang maiwasan makahawa ng ibang tao.

Kasabay din nito, ipinasok sa quarantine facilities ang mga umaresto bunsod sa pagkaka-exposed ng mga ito sa kanilang hinuling positibo sa COVID-19. FROILAN MORALLOS