IPINAG-UTOS kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang sapilitang paglalagay sa isolation facilities ng mga nagpositibo na sa coronavirus disease (COVID-19)
Ito ang nakapaloob sa memorandum order na ipinalabas ni Olivarez bunsod na rin sa existing protocols na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) alinsunod sa direktiba ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Hindi na pinayagan ng IATF ang pagsasailalim sa self-quarantine ng nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang mga bahay dahil malaki ang tsansang mahawa ang kasama nito sa bahay.
Gayundin, inatasan ni Olivarez sina Dr. Jeffereson Pagsisihan, director ng Ospital ng Parañaque; Dr. Lea Grace Vasquez, Hospital Administrator ng Ospital ng Parañaque 2; Dr. Olga Virtusio, City Health Office (CHO) head at Dr. Darius Sebastian, head ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na mamuno sa paglalagay sa lahat ng mga pasyente ng COVID-19 sa kani-kanilang isolation facilities.
Mayroong anim na isolation facilities ang itinalaga na kinabibilangan ng Ospital ng Parañaque I and II (OsPar 1 & 2), Parañaque National High School (PNHS) main campus at Parañaque City College (PCC) na parehong matatagpuan sa Barangay San Dionisio, San Antonio High School (SAHS) at Dr. Arcadio Santos National High School (DASNHS) na parehong matatagpuan sa Barangay San Martin de Porres.
Sa datos ng CHO, nakapagtala ang lungsod ng karagdagang 55 na indibiduwal na tinamaan ng naturang virus kung saan umabot na ang kabuuang 1,611 bilang ng kaso ng COVID-19.
Nauna nang isinailalim sa 3-araw na reasonable calibrated lockdown noong Hulyo 3 ang Barangay BF homes na may 134 na indibiduwal ang may kumpirmadong kaso ng COVID-19 na umakyat pa ito sa pinakamataas na 169.
Pumangalawa ang Barangay Sun Valley na may 68; Barangay San Antonio na pumangatlo na may 47 at sinundan naman ng Barangay San Dionisio na may 47 at Barangay Tambo na may 44. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.