POSITIBONG PANANAW NG MGA PINOY

NASA 44 percent ng mga Pilipino ang naniniwalang bubuti ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.

Ito ay ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) para sa first quarter ng 2024 noong nakaraang March 21-25. Tinukoy ng SWS ang nasabing mga respondent bilang optimists.

Lumitaw rin sa survey na 44 percent din ang naniniwalang hindi magbabago ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, habang 7 percent ang nagsabing lalala ito. Sila ang mga tinatawag na pessimists. Anim na porsiyento naman ng mga respondent ang hindi nagbigay ng sagot.

Nagresulta ito sa net personal optimism score na +37 (% optimists minus % pessimists), na klinasipika ng SWS bilang sa “very high”.

Gayunman, ang +37 net personal optimism score ng mga Pinoy sa pagtatapos ng first quarter ay bumaba ng dalawang puntos mula sa +39 noong December 2023

Ang SWS poll ay gumamit ng face-to-face interviews sa 1,500 adults na may edad 18 years old and above sa buong bansa. Sa 1,500, kabuuang 600 ang mula sa Balance Luzon (o Luzon sa labas ng Metro Manila), at tig-300 sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Nakatutuwang marami pa ring mga Pinoy ang may positibong pananaw sa buhay, at hindi naman malayong makamit natin ang inaasam na pag-asenso kung patuloy tayong magsisikap at magpupunyagi.