CAMP CRAME – PATULOY na nadaragdagan ang election related violent incidents (ERVIs) kahit tapos na ang halalan at naideklara na ang mga nanalo.
Sa monitor ng Philippine National Police (PNP), umabot na sa 60 ang validated ERVIs.
Hunyo 12 pa ang election period at siya ring huling araw sa pagpapatupad ng gunban.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Bernard Banac mula Enero 13 hanggang Hunyo 6 umabot na sa 60 ang validated election related incidents.
Nasa 51 aniya sa mga insidente ay nangyari bago ang araw ng eleksiyon o pre-election, walo sa mismong araw ng halalan at isa pagkatapos ng araw ng halalan.
Ipinagmamalaki naman ni Banac na 55 porsiyento ang ibinaba ng validated election related incidents kumpara noong 2016 national election kung saan nakapagtala ang PNP ng 133 election related incidents.
Sa 60 validated election related incidents, 113 ang biktima, 23 ayng namatay, 46 ang sugatan at 44 ang hindi nasaktan. EUNICE C.