MARAHIL lahat tayo ngayon ay nanghihinayang at nalulungkot sa nangyari sa isang kilalang palatandaan ng lungsod ng Maynila. Ito ay ang Manila Central Post Office o mas kilalang Post Office Building. Marahil ay wala sa ating mga Pilipino na ipinanganak noong dekada 70s hanggang sa mga lolo at lola natin na magsasabi na hindi nila alam kung saan ito matatagpuan. Parte na ito sa buhay natin.
Ang Philippine Postal Corporation ay itinaguyod noong ika-15 ng Setyembre 1902 at tinawag na Bureau of Post, apat na taon pagkatapos ng okupasyon ng mga Amerikano sa Pilipinas mula sa mga Kastila. Nakita kasi ng mga Amerikano ang mabagal at lumang sistema ng paghatid ng mga padala at koreo sa ating bansa.
Napakagandang gusali ng Philippine Postal Office na nagsimula ang konstruksyon noong 1926. Idinisenyo ito ng mga kilalang arkitekto natin. Ito ay sina Juan M. Arellano at Tomas Mapua. Ang tawag sa disenyong ito ay neoclassical style. Ang nasabing gusali, kasama na ang Manila City Hall, National Museum, ang lumang Department of Finance at Department of Tourism ay isang plano na pinangunahan ng kilalang arkitekto na nagdisenyo ng mga lungsod na si Daniel Burnham.
Maliban sa pagdidisenyo ng lungsod ng Maynila, si Burnham din ang nagdisenyo ng Baguio City. Kaya nga ipinangalan sa kanya ang kilalang Burnham Park sa sentro ng Baguio City. Sa mga nakabisita na sa Chicago City, kapansin pansin ang hawig ng plano nito sa baybayin ng Lake Michigan sa ating Roxas Boulevard. Dahil si Burnham din ang punong arkitekto at nagdisenyo ng Chicago. Mas maayos lamang ang pagpapanatili ng ganda at kaayusan ng Chicago kung ating ikukumpara sa Maynila.
Subalit ang Post Office Building na nasira nang husto noong panahon ng World War II ay sinimulang ayusin muli noong 1946. Mabuti na lang at ang orihinal na disenyo nito ay hindi nasira.
Subalit sobrang nakahihinayang ang pagkatupok ng Post Office Building. Maliban sa panghihinayang sa pagkasunog nito, libo-libong sulat at mga padala ang natupok din ng apoy. Ang balita ko rin ay ilang libong National ID na dapat na ipapadala ng Post Office ay kasama sa nasunog. Tsk tsk tsk.
Sadyang itinayo ang Post Office Building sa tabi ng Pasig River dahil mahalaga ang sasakyang pantubig noong mga panahon na iyon bilang paggamit transportasyon at komersyo.
Nitong modernong panahon, ang Philippine Postal Office ay hindi na tulad nang dati na napakamahalaga sa pang araw-araw na buhay natin kung saan ang mga liham at padala sa pamamagitan ng nasabing ahensya ng gobyerno ay inaasahan ng ating mga kababayan.
Sa pagpasok ng modernong komunikasyon tulad ng email, cellphone at itong social media; ang tradisyonal na koreo ay hindi na masyado nabibigyan ng pansin. Ito marahil ang dahilan kung bakit tila napapabayaan na ang Philippine Postal Office na naging ugat ng pagkasunog nito.
Subalit may isang palaisipan lamang sa masamang pangyayari sa makasaysayang gusali. Noong 2012 kasi, may lumabas na balita sa isang kilalang pahayagan na ang may-ari ng sikat na Fullerton Hotel ng Singapore ay interesado na bilihin ang Philippine Postal Office upang gawing isang world-class hotel. Sa mga hindi pa nakikita ang Fullerton Hotel, ito rin ay isang makasaysayang palatandaan sa Singapore. Ang harap nito ay ang kanilang Marina Bay. Kaya nga tila napapa-isip ang iba kung may koneksyon ang biglaang pagkasunog ng Philippine Post Office.
Samantala sa Senado, ilang mambabatas ay nagpahayag na kailangan ang agarang restoration ng nasunog na gusali. Ayon kay Sen. Angara, chairman ng Senate Finance committee, na sinabi sa kanya ni Senate President Migz Zubiri na gumawa sila ng paraan upang makakuha ng sapat na pondo upang ayusin ang Philippine Postal Office. Para sa kanila, ito ay isang ‘national treasure’.
Sang- ayon ako sa kanila. Ginawa ang nasabing gusali noon na may P1 million na pondo lamang. Ewan ko lang kung magkano ang kakailanganin upang ma-restore ang Philippine Postal Office ngayon.
Hay buhay. Ang nangyari sa Philippine Postal Office ay parang sumasalamin lang sa buhay ng isang tao. Malalaman mo lang ang halaga ng taong mahal mo sa buhay kapag nawala sa ‘yo ito.