PATAY ang isang 16-anyos na binatilyo habang sugatan ang dalawang iba pa matapos sumabit ang kawad ng poste ng telecommunication sa 10-wheeler truck dahilan para bumagsak ito sa Marcos Highway, Marikina.
Ayon sa pahayag ni Dave David, Marikina Disaster Response chief, galing ng Antipolo ang truck at papunta sana ng Valenzuela para magdeliver ng mga yero na tinatawag na long span nang sumabit ito at mahatak ang kawad ng telecommunication sa lugar, dakong alas-11 ng gabi Huwebes.
Bumagsak ang poste dahil sa lakas ng pagkahatak at nadamay ang tatlong iba pang poste sa lugar.
Nabagsakan ng isa sa mga poste ang 16-anyos na binatilyo na nag-aabang ng jeep kasama ang kanyang mga kaibigan.
“Yung yero po makapal yun po ang nakita namin then sobrang bilis po ng takbo niya. Kung hindi naman po mabilis ang takbo noon at alalay lang po hindi naman matutumba yung mga poste.
Nahatak po yung mga kable ng wire doon kaya nadala po yung mga poste po,” kuwento ng isa sa mga nakaligtas na kaibigan.
Sugatan din ang dalawa pang kasamahan ng biktima at agad isinugod sa ospital.
Labis ang kalungkutan ni Erwin Canlas sa pagkamatay ng kanyang anak.
Kwento ni Erwin, kasama ng kanyang anak ang ilang kaibigan na nagpunta sa Marikina riverbanks para mamasyal.
“Nagpaalam siya sa akin, ‘Dy, alis na ako’ …Eh nagmamadali. Yun pala yun na ang huling paalam niya sa akin,” dagdag nito.
Inayos na ang mga poste sa lugar pasado alas-3 Biyernes ng madaling-araw.
Nasa kustodiya na ng Marikina City Police Station Vehicular Traffic Investigation Unit ang truck driver na kinilala sa alyas “Bert” na tumangging magbigay ng pahayag.
Posibleng mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries, and damage to property ang driver.
EVELYN GARCIA