POSTE, CENTER ISLAND, TULAY, ESTERO ‘WAG TAMBAKAN NG BASURA

“HUWAG naman po nating gawing tambakan ng basura ang mga poste ng ilaw, center island, tulay at estero.”

Ito ang seryosong apela ni Mayor Honey Lacuna sa lahat ng residente ng Manila, kasabay ng kanyang anunsyo na istriktong ipatupad ang waste segregation system at scheduling ng garbage collection sa kabisera ng bansa.

Napuna ng alkalde na inilalabas ng karamihan ng residente ang kanilang basura bago pa man dumating ang trak ng basura para kolektahin ito, kaya naman natatambakan ito at nagsisilbing eyesores.

“Araw-araw po ay talagang walang tigil ang mga kawani ng DPS (department of public services) sa pagsunod sa mga basurang nilalagay sa mga di naman tamang lugar. Gusto ba ninyo parang dating sa Marikina na ‘yung alkalde, pag di pa panahon para ilabas ang basura at meron siyang nakita sa daan ay ibinabalik niya sa loob ng tahanan?,” aniya.

“Ngayon, magiging mahigpit na kami sa pagpapatupad ng segregation at may mga takdang araw kung kelan kokolektahin ang nabubulok at di nabubulok,”dagdag pa nito.

Pinaalalahanan ng alkalde ang mga residente na may umiiral na city ordinance kaugnay ng ‘tapat ko, linis ko’ program ng local government na kung saan inoobliga ang bawat tahanan na panatilihing malinis ang kanilang harapan.

“’Wag po nating ugaliing madaling araw ay inilalabas ang basura tapos nilalagay sa mga center island, poste, gilid ng bakod o tulay kasi di magandang tignan,” giit ng alkalde.

Ipinaliwanag ni Lacuna na habang ang Executive Order No. 6 na nagtatakda sa bawat Biyernes ng linggo bilang ‘cleanup day’ sa loob at labas ng City Hall, kailangan pa ring panatilihin ang kalinisan kahit na anong araw.

Binigyang diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan sa buong kapaligiran dahil nag-aanyaya ito ng mga turista at investors na nangangahulugan ng pag-unlad ng lungsod maging ng mamamayan nito.

Ang lokal na pamahalaan ay patuloy na ginagawa ang lahat upang mapanatili ang kalinisan sa Manila subalit para magtagumpay ito, kailangan ng kooperasyon ng mga residente.

Labis din nadidismaya ang alkalde dahil sa walang tigil na paghahakot ng basura ng mga concerned city personnel sa mga lugar na hindi naman dapat tapunan ng basura. VERLIN RUIZ