TINIYAK ni Senadora Imee Marcos ang mabilis na ratipikasyon ng Senado at Kamara sa panukalang postponement ng 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSK).
Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos aprubahan ng Kamara ang House Bill No. 4933 na nagre-reset sa BSK polls sa May 2020 at itakda ito sa Disyembre 2022.
Nakasaad din sa bill na pagkatapos ng halalan sa Mayo 2022, isasagawa ang BSK polls sa unang Lunes ng Disyembre kada tatlong taon.
Itinalaga ng Senate leadership si Marcos bilang chairperson ng bicam panel kasama sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Bong Go, Sen. Ronaldo dela Rosa at Sen. Bong Revilla.
Sinabi ni Marcos, makatitipid ang Comelec ng P5.77 billion para sa 2020 BSK polls postponement na puwedeng ilaan sa ibang ahensiya.
Ayon pa kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, halos hindi na kailangan ang bicam dahil parehas lang ang inaprubahang bersiyon ng Kamara sa Senado na ipinasa noong Setyembre.
“Nag-usap na kami ng chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na si Rep. Juliet Marie Ferrer ng Negros Occidental at usap-usapan wala naman kaming pagkakaiba mula sa Senate at sa House version, ‘yung petsa pareho at saka ‘yung nagkasundo naman na talagang magkaroon ng postponement. Very minor talaga. So, magkakaroon na lang ng pirmahan agad-agad. Bicam in effect, pero as much as formality na lamang dahil nagkasundo naman ang dalawang panels,” paliwanag ni Marcos.
Target na matapos agad ang ratipikasyon ng BSK polls postponement para mapirmahan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga susunod na araw.
“After that ipapa-ratify na natin, at sana pirmahan agad ni Presidente dahil kailangan na ng ating mga barangay at talagang nakatengga sila habang nakapending ang bill. I’m hopeful, that it will be soonest. Target ko na talagang tapusin na agad-agad,” dagdag pa ni Marcos.
Ito na ang ikatlong postponement ng barangay and SK polls sa ilalim ng administrasyong Duterte matapos nyang ipag-utos sa mga mambabatas na aksiyunan ang bill sa kanyang 4th SONA nitong Hulyo. VICKY CERVALES
Comments are closed.