PABOR si Secretary Carlito Galvez ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) sa panukalang ipagpaliban ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na nakatakdang isabay sana sa May 2025 midterm polls.
Ito ay kung higit umanong makabubuti ito para sa nakararami lalo na sa mga nasasaklaw ng Bangsamoro Autonomous Region base sa ginagawang pag aaral.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Kapihan sa Manila Bay inihayag ni Peace Adviser Sec. Carlito Galvez na umaasa siya na mare-reset ito sa madaling panahon kasabay ng kagustuhang maibalik ang Sulu sa rehiyon.
Nabatid na nasa dalawang kapulungan na ang bola kung palalawigin pa sa susunod na taon ang BARMM election.
Una nang ipinasa ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa Kongreso ang pagdedesisyon sa usapin sa pagpapaliban ng nasabing parliamentary election.
Maging ang Commission on Elections ay nag-aabang sa desisyon ng Kongreso.
Ayon kay Commission on Elections chairman George Erwin Garcia na malaki ang masasayang na pondo ng gobyerno kung hindi isasabay ang BARMM parliamentary election sa nakatakda ng May 2025 midterm elections.
Ayon kay Garcia, makakatipid ang gobyerno ng Php 3 billion kung isasabay na lamang sa 2025 midterm election ang botohan para sa BARMM.
Gaya ng pahayag ni Sec Galvez, nilinaw rin ni Garcia na nakahanda ang COMELEC na sumunod anumang oras na ipag-utos ang pagdaraos ng BARMM polls alinsunod sa batas o sa mapagtitibay ng Kongreso base sa mga inihaing panukala hinggil sa posibleng pagpapaliban ng botohan.
Pero habang wala pang pasya hinggil dito, sinabi ni Galvez na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kaukulang mga ahensya na naghahanda para sa nasabing halalan sa BARMM.
Matatandaan na pareho ngayong nakabinbin sa Kamara at Senado ang panukalang mga batas na magpapaliban sa kauna-unahang halalan sa BARMM.
VERLIN RUIZ