NASAKOTE ng Malabon City Police ang limang menor na lalaki matapos mabuking na aktong humihithit ng dahon ng marijuana sa loob ng sementeryo, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Tugatog.
Ayon kay SP03 Randy Santiago, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 4, nagsasagawa sila ng anti-criminality operation sa loob ng Tugatog Public Cemetery sa Barangay Tugatog Malabon City, bandang 9:00 noong Lunes ng gabi nang mapansin ang ilaw sa loob ng isang columbarium.
Agad na tinungo ng pulisya ang lugar at naamoy ang usok ng marijuana at agad nakita ang pagtso-tsongke ng limang binatilyo kaya pinagdadampot ang mga bagets at dinala sa presinto.
Narekober mula sa mga ito ang isang itim na lighter, dalawang pirasong improvised glass tube at apat na pirasong heat sealed transparent plastic sa-chet na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana. EVELYN GARCIA
Comments are closed.