(Ni CHE SARIGUMBA)
NGAYONG napakainit ng panahon, napakasarap ang kumain. Pero napakahirap naman ang mag-isip ng mga putaheng kaiibigan ng buong pamilya.
Hindi nga naman madali ang mag-isip ng ihahanda sa buong pamilya. Importante rin kasi na masarap ang ating iniha-handa nang magustuhan naman ng mahal natin sa buhay.
Hindi rin naman puwedeng puro order o pa-deliver tayo dahil hindi natin tiyak kung maayos at malinis ba ang ating ma-bibili sa labas.
Kapag matindi pa naman ang init ng panahon, kailangang doble ang gawin nating pag-iingat nang hindi magkasakit ang ating pamilya.
Sa mga nag-iisip ng simple lamang lutuin ngunit masarap at nakabubusog, isa sa maaaring subukan ang Potato Salad with Soft-Boiled Eggs.
Nakabubusog at masarap kainin ang simpleng potato salad pero kung sasamahan mo pa ito ng soft-boiled eggs, lalo itong magiging katakam-takam sa ating panlasa. Marami pa naman ang mahilig sa salad.
Simple lang ang mga kailangan sa paggawa nito gaya ng patatas, itlog, 3 kutsarang apple cider vinegar, 1 kutsaritang honey, 1/3 na tasang olive oil, celery na hiniwa-hiwa ng pino, asin at paminta.
Paraan ng pagluluto:
Unang-una, siguraduhing malinis ang kamay bago magsimula ng pagluluto.
Siguraduhin ding malinis ang lahat ng mga kasangkapang gagamitin.
Kapag naihanda na ang lahat ng kakailanganing sangkap, hugasan lang ang patatas, ilagay ito sa kaldero na may tubig at pakuluan. Sa isang may ka-liitang lutuan ay maaari namang simulan na ang pagluluto ng itlog. Ilagay sa kaldero ang itlog, lagyan ito ng tubig saka isalang. Lakasan ang apoy. Kapag kumulo na ang pinagsalangan ng itlog, hinaan na ang apoy. Hayaang itong kumulo sa loob ng 7 minuto.
Habang hinihintay namang maluto ang itlog, i-check naman ang patatas.
Kapag luto na ang patatas ay isalin na ito sa pinggan nang lumamig.
Kapag lumamig na, puwede na itong hiwain sa nais na laki.
Makalipas naman ang pitong minuto, tanggalin na sa lutuan ang itlog.
Ibabad sa malamig na tubig at balatan. Kapag nabalatan na, hiwain sa gitna at ilagay muna sa isang lalagyan.
Sa isa namang bowl, pagsamahin naman ang honey at apple cider vinegar. Paunti-unti ring lagyan ng oil.
Haluing mabuti. Pagkatapos, timplahan na ng asin at paminta. Isama na rin sa lalagyan ang hiniwa-hiwang patatas.
Haluing mabuti nang magkaroon ng lasa ang bawat parte ng patatas.
Kapag halong-halo na itong mabuti, ilipat na ito sa pinggan saka ilagay sa ibabaw ang soft-boiled eggs. Lagyan ng asin at paminta ang soft-boiled eggs nang magkaroon ito ng lasa.
Pagkatapos, budburan na ang Potato Salad with Soft-Boiled Eggs ng celery.
Kung tutuusin, napakarami nating puwedeng subukang lutuin ngayong summer na papatok sa panlasa ng buong pami-lya.
Basta’t mag-isip lang at mag-research, tiyak na may masusubukan tayong bagong putahe na magugustuhan ng ating pamilya. Mas malaki rin ang ti-yansang mapasasarap pa natin ang isang lutuin.
Hindi naman kasi lahat ng recipe o sangkap ng isang lutuin ay susundin o gagayahin natin.
Puwede rin tayong dumiskubre ng mga lutuin, puwede tayong mag-create ng sarili nating berisyon na nakabase sa isang recipe na nabasa natin, narinig o itinuro ng mga kakilala, kaibigan o kamag-anak.
Maraming nagsasabi na hindi nila kayang magluto ng masarap. Pero kung bukal sa loob mo ang pagluluto at sasangka-pan mo ito ng walang humpay na pagmamahal, mamumukod-tangi ang lasa ng isang lutuin.
Oo, puwedeng sabihin ng marami na hindi nila kayang magluto. Pero kung susubukan nila ito, makapagluluto sila. Magagawa nila.
Kaya ano pang hinihintay ninyo, luto na! (photo credits: cookingandbeer.com, onceuponachef.com, marthastewart.com)
Comments are closed.