POULTRY IMPORT BAN SA BELGIUM INALIS NA

INALIS na ng Department of Agriculture (DA) ang ban sa pag-aangkat ng poultry products mula sa Belgium makaraang ideklarang bird flu-free na ang European country.

Sa isang memorandum order na inisyu noong June 30, 2022, sinabi ng noo’y Agriculture Secretary William Dar na ibinatay nila ang desisyon sa final report ng Belgian veterinary authorities sa World Organization for Animal Health (WOAH) na nagsasabing ligtas na ang Belgium sa bird flu o highly pathogenic avian influenza (HPAI).

“Based on the evaluation of the Department of Agriculture, the risk of contamination from importing poultry meat, day old chicks, and semen is negligible,” sabi ni Dar.

Dahil dito ay inalis na ng noo’y Agriculture chief ang temporary ban sa pag-aangkat ng domestic at wild bird at kanilang mga produkto mula Belgium.

“All import transaction of the above bird species shall be in accordance with existing rules and regulations of the DA,” nakasaad pa sa memorandum.

Ipinagbawal ng DA ang importasyon ng poultry products mula Belgium noong December 2021 makaraang kumpirmahin ng European country ang outbreak ng bird flu.