PANSAMANTALANG ipinagbawal ng pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), ang pag-angkat ng poultry at poultry by-products mula sa Minnesota sa US dahil sa outbreak ng bird flu.
Sa isang statement nitong Miyerkoles, sinabi ng DA na nagpalabas si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng Memorandum Order No. 29, na nag-uutos sa agad na pagbabawal sa pagpasok ng domestic at wild birds, gayundin ng kanilang by-products mula Minnesota, kasunod ng report ng state ng kumpirmadong mga kaso ng High Pathogenicity Avian Influenza (HPAI) H5N1.
Saklaw ng import ban ang domestic at wild birds at kanilang mga produkto, kabilang ang poultry meat, eggs, day-old chicks at semen.
Ang USDA Animal and Plant Health Inspection Service (APHIS) ay nagsumite ng official report sa DA na nagpakita ng kumpirmadong mga kaso ng H5N1 infections sa tatlong counties sa Minnesota hanggang noong June 12, 2024.
“Based on a 2016 agreement between the Philippines and the US, a statewide ban may be imposed by the DA if there are at least three counties affected by HPAI,” ayon sa DA.
Gayundin ay inireport na ng USDA-APHIS ang mga kaso ng HPAI sa World Organisation for Animal Health (WOAH).
Ang HPAI ay isang notifiable disease na may zoonotic potential, na nangangahulugan na maaari itong maipasa sa tao.
Matapos ang report ng USDA, inatasan ni Tiu Laurel ang Bureau of Animal Industry (BAI) na agad suspindehin ang pagproseso, evaluation ng mga aplikasyon, at pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary iImport Clearances (SPSIC) para sa naturang agricultural products.
Gayunman, ang shipments mula Minnesota na nasa biyahe na, isinakay o tinanggap sa port bago ang pagpapatupad ng ban “shall be allowed provided that the products were slaughtered/produced 14 days before the first outbreak from the place of origin.”
Sinabi ng DA na ang shipments na hindi susunod sa itinakdang mga kondisyon sa import ban ay maaaring ibalik sa port of origin o i-condemn.
Noong Marso ng kasalukuyang taon ay inalis ng DA ang import ban sa Minnesota, na naunang ipinatupad dahil sa avian influenza outbreak.