PANSAMANTALANG ipinagbawal ng Filipinas ang pag-import ng poultry products mula India dahil sa napaulat na outbreak ng avian influenza sa South Asian country.
Ipinalabas ni Agriculture Secretary Emmanuel F. Piñol ang temporary ban sa pag-aangkat ng domestic at wild birds, kabilang ang kanilang mga produkto, na nagmumula sa India, makaraang iulat ni Tarun Shridhar, isang Indian agriculture official, sa World Organisation for Animal Health (OIE) ang outbreaks ng avian influenza.
Ang outbreaks ng H5N1 Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) virus ay natuklasan sa Puri, Orissa, India.
Kinumpirma ng National Institute of High Security Animal Diseases sa Bhopal, isang OIE reference laboratory, na ang mga ibon sa naturang mga lugar ay apektado ng outbreaks.
Ang ban ay ipinatupad ni Piñol upang mapigilan ang pagpasok sa bansa ng HPAI virus at mapangalagaan ang kalusugan ng local poultry population.
Sa ilalim ng Memorandum Order 03, ipinagbawal ni Piñol ang pag-import ng domestic at wild birds at kanilang mga produkto, kabilang ang poultry meat, day-old chicks, eggs at semen mula India.
Ipinag-utos din niya ang agad na pagsuspinde sa pagproseso, ebalwasyon ng aplikasyon at pag-iisyu ng sanitary at phytosani-tary import clearance sa listed commodities, gayundin ang pagpigil at pagkumpiska sa lahat ng shipments ng Indian poultry prod-ucts sa bansa ng lahat ng agriculture veterinary quarantine officers at inspectors sa lahat ng major ports. JASPER EMMANUEL Y. ARCALAS