MAHIGPIT na binabantayan ng mga tauhan ng Bureau of Animal Industry (BAI) at ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang lahat na uri ng mga ibon galing sa Australia at China bilang pagsunod sa kautusan ng pamahalaan sa gitna ng napaulat na outbreak ng bird flu at swine flu sa naturang mga bansa.
Ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) na harangin sa airport ang mga domestic at wild birds galing sa southern countries dahil sa pagkalat ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) virus subtypes H7N3 at H7N9 sa Australia, batay sa report ng World Health Organization.
Inatasan ng DA ang mga tauhan ng dalawang ahensiya ng pamahalaan na kumpiskahin ang lahat ng uri ng karne galing sa nasabing mga bansa upang maiwasang makapasok sa bansa ang mga sinasabing sakit ng hayop at maproteksiyonan ang local poultry producers .
Inatasan din ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sa pamamagitan ng Memorandum Order no. 21, ang kanyang mga tauhan na ihinto ang pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances kaugnay sa importation ng wild at domestic birds mula sa Australia at China, kasama ang poultry meat, day-old chicks, eggs, at semen.
Nakasaad sa memo na ang mga karne na maaaring makapasok sa bansa ay ang mga galing sa ibang bansa na may kasamang sanitary phytosanitary permit/clearance mula sa port of origin at galing sa BAI.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nakapag-turn over ang BOC sa BAI ng libo-libong kilo ng fresh frozen meat products na dala ng mga pasahero mula sa dalawang nabanggit na bansa.
FROILAN MORALLOS