POWER OUTAGES SA NEGROS OCCIDENTAL MASOSOLUSYUNAN NA

KUMPIYANSA ang Central Negros Electric Cooperative o CENECO na malulutas na ang problema sa power outages sa Negros Occidental sa sandaling mag-take over ang bagong power corporation.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe, sinabi ni Atty Arnel Lapore, general manager ng CENECO, na sa kasalukuyan ay patuloy ang paglobo ng kanilang pagkalugi habang nagpapatuloy rin ang pagtaas ng demand sa koryente dahil sa lumalakas na ekonomiya.

Ipinaliwanag ni Lapore na ang nakikita nilang sagot sa problema ng CENECO ay ang joint venture sa Negros Electric and Power Corp o NEPC na handang maglagak ng P2.1 billion para sa mga imprastraktura at pasilidad sa sandaling mag-take over sila.

Aniya, kung magpapatuloy ang kasalukuyan nilang sitwasyon ay magiging malaki itong hamon sa kooperatiba habang patuloy silang nalulubog sa pagkalugi at bababa ang kalidad ng kanilang serbisyo.

Kasabay nito, tiniyak ni Lapore na hindi madedehado ang mga empleyado ng CENECO sa pag-take over ng  NEPC dahil bibigyan sila ng magandang separation packages.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni NEPC President Roel Castro na bibigyan nila ng prayoridad sa hiring ang mga empleyado ng CENECO at katunayan ay nasa 250 nang manggagawa nito ang nag-apply sa kanila.

Sa pagharap sa pagdinig ng Senado para sa kanilang prangkisa, tiniyak din ni Castro ang pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga consumer ng Negros lalo pa’t dumarami ang mga negosyo sa lalawigan.

Napatunayan na rin naman nila ang magandang serbisyo sa Iloilo kung saan naibaba nila ang presyo ng koryente.

Sa panig ng mga consumer, sinabi ni Wennie Sancho, secretary general ng Power Watch Negros Advocates, na malaking bagay kung mabubuhusan na ng investment ang CENECO dahil ang kanilang mga equipment tulad ng transformer ay may 30-40 taon na.

Ito umano ang dahilan kaya madalas na rin ang brownout bunsod ng bumibigay nang mga kagamitan ng CENECO.

Kaya naman nananawagan ito sa Kongreso na agad nang aprubahan ang prangkisa ng NEPC upang matapos na ang paghihirap ng mga residente, mga negosyante at mga turista sa Negros.

VICKY CERVALES