POWER PLANTS PA MORE!

Magkape Muna Tayo Ulit

HETO na naman tayo. Tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Tumaas din ang p­resyo ng bigas, gasolina, halaga ng dolyar sa piso pati na rin sa koryente. Bukod dito, marami pa ang nakaambang tumaas, tulad ng pamasahe, toll fee, singil sa tubig at marami pang iba.

Ano na ang gagawin natin? Marami ang nagsasabi, “Napakasakit Kuya Eddie.” Parang isang pinagtampuhan ng pag-ibig. Maraming mga grupong makakaliwa at oposisyon laban sa pamahalaan ni Pangulong Duterte ang sumasakay sa isyung ito. Pero ano nga ba ang dapat nating gawin?

May kasabihan na upang makuha ang ginhawa, dapat at dadaan ka muna sa pagsubok ng kahirapan. Ika nga, madalang sa buhay ng isang tao ang ipinanganak at lumaki sa biyaya. Maski na ang mga sinasabing tycoons ngayon tulad nina Henry Sy, Gokongwei, Manny Villar, pati ang nasirang si Ambassador Antonio ‘Amba” Cabangon Chua ay dumaan sa pagsubok ng kahirapan. Sila ay nagtiis, nagtiyaga, nagsumikap upang makamtan ang biyayang natamasa nila at para sa kanilang pamilya.

Tulad na lang nga ng sitwasyon natin ngayon, kailangan na­ting magtiis, magtiyaga at magsumikap upang labanan ang hamon na nangyayari sa atin nga­yon. Nakikita natin na ang kasalukuyang pamahalaan ay ginagawa ang lahat upang umangat ang ating ekonomiya at pamumuhay natin mga Fi­lipino. Masakit man ang kanilang programang TRAIN Law, palagay ko ay nakikita ng mga eko­nomista ng pamahalaan na ito ang biyaya nito sa mga susunod na taon.

Sabi ko nga, ang lahat ng mga ginagawa nila ay mangangailangan ng sakripisyo. Tulad na lang ng programa nilang ‘Build Build Build’. Dadanas tayo ng perwisyo sa teribleng trapik na idudulot ng mga ginagawang proyekto na nakatuon para sa ating ‘mass transportation system’. Nandiyan ang karagdagang linya ng tren, subway, pantalan at paliparan.

Ngunit upang magawa ang nasabing ‘Build Build Build’, kailangan din natin ng ‘power, power, power’. Ito ang isang balakid na tila hinahadlangan ng mga ilang grupo na tutol sa pagpapatayo ng power plants.

Nakabitin ang maraming proyekto ng ilang kompanya ng power plants dahil hinihintay ang pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga power supply agreement (PSA) ng mga ito.  Para sa kaalaman ng lahat, mahalaga sa kanila ang makakuha ng sinasabing PSA upang makasiguro sila na ang plantang gagawin nila ay may pagsusuplayan ng koryente. Napakasimple. Ikaw ba ay magtatayo ng isang negosyo kung hindi ka sigurado na may merkado ka sa iyong negosyo? Eh, ‘di sa umpisa pa lang ay lugi ka na!

Bumabagsak na ang halaga ng piso kontra dolyar. Maaari itong magresulta sa pagtaas sa halaga ng puhunan sa paggawa ng mga bagong planta ng koryente. Ayon sa datos na nakalap ko, humigit-kumulang sa 60% ng mga ito ang may edad na 15 taon pataas.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang total demand ng bansa noong 2017 ay 13,789 MW. Mas mataas ito ng 517 MW o 3.9% kumpara sa kabuuang demand noong 2016 na nasa 13,272 MW lamang. Tumaas naman ng 6.1% ang kabuuang supply. Mula sa 21,425 MW noon 2016, ito ay tumaas sa 22,730 MW noong 2017. Ayon sa DOE, kailangan ng ka­ragdagang 43,765 MW hanggang sa taon ng 2040 upang siguradong masabayan ang tumataas na demand ng kor­yente sa bansa. Paano ito matutugunan kung hindi madaragdagan ang mga planta ng koryente? Ang tinutukoy ko rito ay ang makabagong teknolohiya ng coal plants at iba pang renewable energies na hindi nakasisira sa a­ting kalikasan.

Ang proseso upang makapagtayo ng planta ay inaabot ng dalawang taon sa pag-aasikaso pa lamang ng mga permit at lisensiya. Hindi pa kasali rito ang paghihintay na maaprubahan ang isang PSA kung saan ganito ang nagyayari ngayon. Tatlo hanggang apat na taon ang gugugulin naman sa pagtatayo nito. Sa kabuuan, aabutin ng anim hanggang pitong taon ang proseso para lamang makapagtayo ng planta ng koryente.

Sana naman ang ERC ay tugunan ang problemang ito, kung hindi, olats na tayo sa mga kapitbahay nating bansa sa Asya. Kaya ang kaila­ngan talaga natin ay power plants pa more!

Comments are closed.