MAKIKIBAHAGI ang church-based poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa pagbabantay sa nakatakdang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Mindanao.
Ayon kay PPCRV Vice Chairman for Internal Affairs Bro. Johnny Cardenas, binigyan na sila ng akreditasyon ng Commission on Elections (Comelec) upang makaagapay nito sa pagbabantay ng naturang aktibidad.
Nabatid na kabilang sa magiging tungkulin nila ang pagsasagawa ng poll watching at pagtiyak ng kaayusan sa nakatakdang plebisito para sa ratipikasyon ng BOL.
Tiniyak naman ni Cardenas na puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng PPCRV para sa pagbubuo ng mga grupo ng volunteers na magbabantay at tutulong para sa voters’ education ng mga makikibahagi sa plebisito.
Aniya, karamihan ng mga volunteer ng PPCRV sa rehiyon ay mga Muslim mula sa iba’t ibang civil society organizations.
“Accredited na kami to do poll watching sa Mindanao Plebiscite and majority of our volunteers there are being provided by CSO’s ng mga Muslims, CSO is Civil Society Organizations ng mga Muslim…” pahayag ni Cardenas, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
“We are now moving, organizing our volunteers to participate in the observation and voters’ education, poll watching of the Plebiscite in Mindanao…” dagdag pa nito.
Tiniyak naman ni Cardenas, hindi na bago sa PPCRV ang pagtutulungan ng mga Kristiyano at Muslim sa Mindanao upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng halalan sa rehiyon.
Samantala, inaasahan namang aabot sa 2,000 ang volunteers ng PPCRV na makikibahagi sa pagbabantay para sa nakatakdang Plebisito sa Enero 21 at Pebrero 6. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.