PPP ACT, TUGON SA P7.3T KULANG NA PONDONG PUHUNAN SA IMPRAESTRUKTURA

NAIPASA  na ng Kamara noong ika-12 ng Disyembre ang panukalang ‘Public-Private Partnership (PPP) Act’ na inaasahang magiging mabisang tugon sa P7.3 trilyong kakulangang pondong puhunan sa mga impraestraktura ng bansa.

Ayon kay House Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district), na pangunahing may-akda ng panukalang batas, at ‘technical working group chair’ ng PPP Act, higit kailanman, sadyang kailangan ang PPP ngayon. Pinagtibay ito ng Kamara noong ika-12 ng Disyembre sa botong 254 laban sa tatatlong kontrang boto.

Layunin ng PPP Act (HB6527) na lumikha ng isang sistema kung saan mahusay at mabisang maisusulong ang pagtutulungan ng pribadong sektor at pamahalaan sa paggawa ng malalaki at mahahalagang mga impraestruktura at katulad nitong mga proyektong pangkaunlaran.

Sa ilalim ng panukala, malinaw na sinasabing ang PPP “malayang kasunduan sa pagitan ng nakatalagang ahensiya ng gobyerno at ng pribadong kompanyang nagpapapanukala tungkol sa pagpundo, pagdisenyo, paggawa, pangangasiwa at pangangalaga, o kumbinasyon ng mga naturan, kaugnay sa pangkaunlarang mga proyekto na karaniwang gobyerno lamang ang nangangasiwa, at kung saan magkatulong ding tutugunan ng pamahalaan at kabalikat nitong mga pribadong kompanya ang mga hamon ng proyekto.”

“Katumbas ng 62.1 porsiyento ng ‘Gross Domestic Product’ (GDP) ang utang ng pambansang pamahalaan natin ngayon, at inaasahan itong mananatili sa mga 52% sa katapusan ng termino ng Pangulong Marcos. Ang pagpapatupad naman sa desisyon ng hukuman kaugnay sa kasong Mandanas-Garcia ay lalo pang nagpasikip sa laya pamahalaan sa pananalapi,” puna ni Salceda.

Inaasahan din aniya na magpapatuloy ang pangungutang ng pamahalaan dahil sa mga hakbang ng mga Bangko Sentral sa mundo laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o ‘inflation’ kaya kailangang humanap tayo ng akma at malikhaing mga tugon sa kakulangan ng pondong puhunan para sa mahahalagang impraestruktura ng bansa,” dagdag na paliwanag ng mambabatas na isang respetadong ekonomista.

Isa ang PPP Act sa mga prayoridad na dapat isabatas na ipinahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang unang ‘State of the Nation Address.’

Sa mga datus mula sa ‘G20 Global Infrastructure Outlook,’ sinasabing “kailangan ng Pilipinas ang US$559 bilyon para pondohan ang sadyang kailangang mga impraestruktura hanggang 2040 upang matupad ng bansa ang mga ‘Sustainable Development Goals’ nito.”

“May mabubuting mga kaganapan naman na nagbibigay ng pag-asang makakalikom tayo ng mga US$429 bilyon, kaya mapapababa rin ang kakulangan natin sa US$131 billion, ngunit katumbas pa rin ito ng P7.3 trilyong kakulangan sa pondong puhunan sa mga impraestruktura paramagkaroon ng kaganapan ang ating ‘Sustainable Development Goals,” ayon sa mambabatas.

Tiniyak ni Salceda na hindi kaya ng pamahalaan na makalikom ng P1.047 trilyon taon-taon mula sa mga buwis lamang.

Ngunit may mga paraan aniya upang matugunan ang mabigat na hamong ito. Ang isang tugon ay ang PPP Act kung saan makakabalikat ng pamahalaan ang mga pribadong kompanya upang makabuluhang maisulong ang pag-unlad ng bansa.