NANINIWALA si Senadora Grace Poe na ang Public-Private Partnership (PPP) ang sagot upang mapaganda ang mga paliparan sa buong bansa na higit na makahihikayat ng mga turista.
“Ang aviation sector natin ay parang isang eroplanong hindi maka-take off dahil sa delays, cancellations, at kung ano-ano pang aberya. Handa na ang mga pasahero, naisakay na ang mga bagahe, pero ang piloto, hindi makapag-desisyon kung lilipad na ba,” ani Poe, pinuno ng Senate committee on public services sa pagdinig ng senado.
Ayon kay Poe, ang PPP ang makapagbibigay ng suporta sa mga proyekto para sa mga paliparan na higit na mapakikinabangan sa paglago ng ekonomiya sa mga susunod na panahon.
Inamin ni Poe na maraming pribadong grupo ang nagpahayag ng kanilang interes sa rehabilitasyon ng Philippine airports ngunit ang tanging problema na nagiging dahilan ng pagkaantala ng pagiging world class standard ng mga paliparan ay ang regulatory at procedural.
“Year on year, we are presented with never-ending catch-up plans to improve the operations and maintenance of existing airports, or build new ones to address accessibility and demand,” dagdag ni Poe.
Sinabi ni Poe na noong 2024 ay naglaan ang pamahalaan ng P7.5 bilyon para sa kontruksiyon, upgrade, expansion o rehabilitasyon ng 22 paliparan sa buong bansa.
Bukod pa dito ang pagbibigay ng budgetary support sa government corporations sa ilalim ng aviation sector sa pamamagitan ng P1.03 bilyon na nakapaloob sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at P121 milyon sa Davao International Airport Authority upang madagdagan ang kapasidad nitong mag-accommodate ng dagdag na international flights.
“Sa kabila ng regular na paglalaan ng pondo, hindi pa rin ramdam ng mga pasahero ang improvements sa ating mga paliparan. Bagkus, patong-patong na problema sa operasyon at maintenance ng mga airports ang kinakaharap ng mga mananakay. As frustrating and disappointing as it is, I think this comes as no surprise to us. Hindi nga nila matapos-tapos ang mga airport na ilang taon nang nakabinbin, may budget naman. Hindi tuloy mapakinabangan ng mga mananakay,” pagbibigay-diin ni Poe.
“Ang tanong ng nakararami – paano at saan ginastos ang budget na nakalaan sa pagsasaayos at pagpapagawa ng mga airports? We have fought hard for the budget and we want to make sure its benefits trickle down to the people,” pahayag ni Poe sa pagdinig.
Nais ding malaman ni Poe ang kasalukuyang estado ng rehabilitasyon ng Iloilo Airport na tumanggap ng P190 milyong pondo sa 2024 national budget. Dahil dito, hiniling ni Poe sa CAAP na magsumite ng timeline para matukoy ang target nito para sa airport upgrade. “I would like to have a copy so I can report to our constituents in Iloilo,” anang senadora.
VICKY CERVALES