PQUE MAYOR POSITIBO SA COVID-19

NAGPOSITIBO sa isinagawang test sa COVID-19 si Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na sa ngayon ay sumasailalim sa kanyang isolation.

Ito ay napag-alaman sa inilabas na press statement ni Parañaque City Administrator Fernando ‘Ding’ Soriano na nag-aabiso sa mga nakasalamuha o close contact ng alkalde na obserbahan ang kanilang mga sarili kasabay ng kanilang pagsasailalim sa isolation at agad na humingi ng serbisyo medical kung sakaling magkaroon sila ng sintomas ng COVID-19.

Si Olivarez ay naiulat na asymptomatic ay fully vaccinated at tumanggap na rin ng booster shots.

Ayon kay Soriano, maglalabas sila ng regular bulletin para sa update ng kondisyon ni Olivarez.

Sinabi ni Soriano na kasalukuyang nagsasagawa ng contact tracing ang City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) pati na rin ang pagmo-monitor ng mga naging close contacts ni Olivarez.

Pinayuhan din ni Soriano ang lahat na gawin ang nararapat na hakbang sa pag-iingat at sundin ang minimum health protocols lalo na ang mga hindi pa bakunado gayundin ang mga napapabilang sa mga high-risk groups. MARIVIC FERNANDEZ