PRA MAGDEDETERMINA SA FOREIGN RETIREES SA BANSA

Presidential Spokesman Harry Roque

TANGING ang Philippine Retirement Authority (PRA) ang magdedetermina kung may pangangailangan na taasan ang minimum age ng mga dayuhang retiree na mananatili sa bansa.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque kaugnay sa pangamba ng mga senador ng patuloy na pagdami ng mga dumarating na Chinese tourists sa bansa gamit ang nabanggit na scheme.

“The Board of Directors of PRA, which has its own charter will meet and consider whether or not to lift the minimum age for the special retirees visa and we will defer to the specialized decision of the Board of the Philippine Retirement Authority,” sabi ni Roque.

Pinaliwanag ni Roque na ang mga binibigyan ng special resident retirees visas  (SRRV) ay kailangang magpasok ng kapital sa bansa. So ang kapalit po niyan kinakailangang magpasok ng foreign exchange at kapital para magkaroon ng negosyo na mag-eempleyo ng mas marami pang  Filipino.

Nauna rito ay nagpahayag ng pagkabahala ang ilang senador kaugnay sa pagdating sa bansa ng halos 28,000 Chinese retirees na ang ilan sa mga ito ay edad 35 taong gulang lamang.

Ayon sa PRA, ang mga dayuhang retirees na may edad 35 taong gulang pataas at may dalang salapi na hindi bababa sa $50,000 cash on hand ay pinapayagang makapasok ng bansa.

Nagbabala si Senador Richard Gordon na ang paggamit ng SRRV ay lubhang mapanganib at nakababahala sapagkat ang mga dayuhan ay malayang nakakalabas pasok sa Filipinas.

Sinabi pa ni Gordon na hindi rin maiaalis na mag-alala sa national security concern ng bansa kaugnay sa napakaraming bilang ng mga Chinese retiree sa bansa. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.