NASA pangangasiwa na ngayon ng Office of the President (OP) ang kontrol at superbisyon sa Philippine Reclamation Authority (PRA).
Base sa Executive Order No. 74 na may petsang Pebrero 1, 2019, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nasa OP na ang nabanggit na ahensiya mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nakasaad sa kautusan na nasa kamay pa rin ng PRA Governing Board ang pag-aapruba ng mga proyekto na may kinalaman sa reclamation subalit ang pinal na pasiya ay nasa tanggapan na ng OP.
“Such delegation, however, shall not be construed as diminishing the President’s authority to modify, emend or nullify the action of the PRA Governing Board,” ang sabi pa sa EO.
Ang PRA na may mandato na ipatupad ang koordinasyon ng lahat ng mga reclamation project ay inaatasan ding kumonsulta at humingi ng payo at opinyon sa iba’t ibang departamento ng pamahalaan kabilang na ang National Economic development Authority (NEDA) kung sang-ayon sa mga reclamation project.
Saklaw ng pag-aapruba ng Office of the President ang mga reclamation project na inisyatibo ng Local Government Units (LGUs), Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at iba pang ahensiya ng pamahalaan kaugnay sa reclamation projects sa kani-kanilang nasasakupan.
Pinatitiyak din na ang mga naturang reclamation projects ay hindi lalabag at sasalungat sa mga umiiral na environmental laws and regulations at maging sa Department of Finance (DOF) kung pasok ito sa mga probisyon ng batas pagdating sa joint venture agreements at iba pang kasunduan.
Ipinawawalang-bisa rin ng EO 74 ang Executive Order No. 798 na nilagdaan noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na kung saan, inilipat naman sa DENR mula sa DPWH ang pangangasiwa ng PRA. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.