PRADO, CARCUEVA, BONILLA KUMINANG SA NATIONAL ROAD CYCLING CHAMPIONSHIPS

CYCLING

NAGWAGI si Jermyn Prado ng dalawang gold medals, napanatili ni Jonel Carcueva ang kanyang titulo at tinaguriang ‘rising star’ si Kim Bonilla sa katatapos na PhilCycling National Championships for Road.

Dinomina ni Prado ang women’s individual time trial at criterium upang manatiling reyna ng Philippine cycling sa four-day championships na hinost ng Philippine Olympic Committee at ni PhilCycling president and Mayor Abraham “Bambol” Tolentino sa Tagaytay City.

Nanalo si Prado sa 15-km individual time trial (ITT) sa loob ng 34 minutes at 43.80 seconds. Naorasan siya ng 3:22:04 sa 104-km road race na naging mahirap sa huling 15 kms kung saan halos sumuko ang mga rider sa steep climb mula Agoncillo sa Batangas hanggang Alfonso sa Cavite patungong Praying Hands monument sa Tagaytay City.

Naghari si Carcueva sa 127-km men’s road event sa oras na 3:05:20. Pinangunahan niya ang 1-2-3 finish ng Go For Gold team sa 120.85-km at 190-cyclist race.

Nagtala si Rustom Lim ng best time na 36:21:50 sa 20-km Men Elite ITT, at winakasan ang dominasyon ni Mark John Lexer Galedo, na mas mabagal ng 13 seconds sa fifth place, habang nadominahan ni Excellent Noodles’s Ryan Tugawin ang Men Elite criterium.

Nagsimula ang championships noong nakaraang Martes kung saan idinaos ang criterium races sa paligid ng isang 2.2-km loop na nagsimula at nagtapos sa Praying Hands sa pangunguna nina Prado at De Los Reyes na mahigpit na nagbakbakan sa gitna ng makapal na ulap at malakas na ulan.

Sa huling 200 metro ay nilampasan ni De Los Reyes si Prado upang kunin ang gold at nagkasya ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist sa silver medal.

Inangkin ni Bonilla, 17-anyos pa lamang ngunit mistulang isa nang seasoned veteran, ang Women Junior criterium at ITT gold medals.

Ang iba pang mga nagwagi ay sina Mathilda Krogg (Under 23), Angelica Mae Alta Marino (Junior) at Maria Louisse Crisselle Alejado (Youth) sa women’s criterium; Farin Guill Aisaiah Abigania (Youth), Pepito Khalil (Junior) at Steven Nicolas Shane Tablizo (Under 23) sa men’s criterium;

Maria Louisse Crisselle Alejado (Youth) at Phoebe Salazar (Under 23) sa women’s criterium; Darius John Villasenor (Youth), Andrei Domingo (Junior) at Joshua Pascual (Under 23) sa men’s ITT; at John Arwin Velasco (Junior) at Joshua Pascual (Under 23) sa men’s road race.

-CLYDE MARIANO