SA harap ng patuloy na pag-akyat ng presyo ng enerhiya at pangangailangan ng bansa na mapanatili ang suplay nito, isang mahalagang aspeto ng ating pang-araw-araw na buhay ay ang pagtitipid ng enerhiya.
Hindi na ito dapat lamang isang adhikain kundi isang pangangailangan upang mapanatili natin ang kasalukuyang antas ng buhay at alagaan ang kalikasan.
Kaya sa pagkilala sa kahalagahan nito, nagiging imperatibo ang pagbibigay-diin sa energy conservation.
Ang pagsisikap na ito ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno o mga korporasyon kundi ng bawat isa sa atin.
Una sa lahat, ang simpleng pagtanggal ng saksakan ng mga hindi ginagamit na kagamitan sa bahay o opisina ay isang hakbang patungo sa wastong paggamit ng enerhiya. Sa pag-iwas sa pag-iwan ng mga electronic devices na naka-plug kahit hindi ginagamit, maaari nating mapababa ang ating konsumo ng kuryente.
Samantala, sa isang desididong hakbang tungo sa epektibong paggamit ng enerhiya, inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order No. 15, na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na apurahin ang implementasyon ng Government Energy Management Program (GEMP).
Kung hindi ako nagkakamali, layunin ng programang ito na tiyakin ang matalinong paggamit at pagtitipid ng enerhiya sa buong sektor ng pamahalaan.
Ang direktiba ng Pangulo ay nag-uutos sa lahat ng ahensya ng national government, kasama na ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno, at nag-e-encourage sa mga Local Government Unit (LGU) na magkaroon ng mga hakbang para sa praktikal na paggamit ng enerhiya. Pinirmahan ang AO ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng optimal na paggamit ng enerhiya.
Partikular itong nagtuturo sa mga kinauukulan na pabilisin ang implementasyon ng GEMP at sumunod sa kaugnay na Inter Agency Energy and Efficiency Conservation Committee (IAEECC) Resolutions. Ang IAEECC, na pinamumunuan ng Department of Energy (DOE), ay may mahalagang papel sa pagsasanay ng mga pagsisikap na ito para sa konserbasyon ng enerhiya.
Ang GEMP, isang kumprehensibong programa ng buong gobyerno, ay nakatuon sa pagbabawas ng buwanang konsumo ng kuryente at produkto ng petrolyo sa pamamagitan ng matalinong paggamit at pagtitipid ng enerhiya at gasolina.
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng mga energy audit mula sa mga Certified Energy Auditor, pakikipagtulungan sa mga random energy spot-check, pagpasa ng imbentaryo ng mga kasalukuyang kagamitan na gumagamit ng enerhiya, pagsunod sa mga gabay ng DOE hinggil sa Energy Conserving Design ng mga gusali, at ang Philippine Green Building Code para sa mga bagong konstruksyon.
Bukod dito, ang inisyatibo ay nagsusulong ng pag-adopt ng mga mababang halagang EEC measures na tugma sa mga prinsipyo ng GEMP, at ng institutionalization ng EEC sa kani-kanilang mga opisina.
Ipinanawagan din ni PBBM sa mga ahensya ng gobyerno, alinsunod sa IAEECC Resolution No. 5 (s. 2022), ang pagtatag ng isang mekanismo para sa pagmamatyag ng konsumo ng enerhiya sa kanilang mga opisina, at pagsunod sa mga reportorial requirement ng DOE.
Sa pakikipagtulungan sa Presidential Communications Office (PCO), ang DOE ay inatasang bumuo ng mga epektibong paraan para sa pagpaparating ng mga hakbang sa EEC sa lahat ng mga opisina ng gobyerno at sa publiko.
Para magkaroon tayo ng ambag sa pagtitipid ng kuryente, maaari rin naman nating isakripisyo ang ilang convenience para sa mas malaking layunin. Ang pagbibisikleta, paglalakad, o pagsakay sa pampasaherong sasakyan ay hindi lamang nakakatipid ng enerhiya kundi nakakatulong din sa kalusugan at sa pangangalaga ng kalikasan.
Higit pa rito, ang pagpili ng mga eco-friendly na teknolohiya at kagamitan sa bahay ay isang malaking kontribusyon sa energy conservation.
Ang paggamit ng mga LED na ilaw, energy-efficient na appliances, at solar panels ay hindi lamang nagbibigay ng malaking ginhawa sa ating bulsa kundi nag-aambag din sa pangangalaga ng kalikasan.
Ang energy conservation ay isang pribilehiyo at responsibilidad na magkasama nating hinaharap.
Sa pagtutulungan ng bawat isa sa atin, magiging mas matagumpay ang pagsusulong ng sustainable na paggamit ng enerhiya.
Sa ganitong paraan, hindi lamang natin iniingatan ang ating bulsa, kundi maging ang kinabukasan ng ating planeta.
Ito ang ating hamon, at ito ang tunguhin na dapat nating tahakin para sa mga susunod na henerasyon bilang mga tagapagmana ng mundo.