BAKIT kailangan po natin ng praktikal na pagmamanok?
Sa kanyang Facebook page, tinalakay ni kasabong Bangis Magtanggol ng Bangis Gamefarm sa Baliuag, Bulacan sa kanyang followers kung kailangan maging praktikal tayo sa pagmamanok lalo na ngayong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.
Anya, tayo pong lahat ng magmamanok ay nahaharap sa matinding pagsubok ngayong taon dahil sa COVID-19 kaya kinakailangan ay advance tayo mag-isip at ayon pa sa kanya, malamang naghahanda na rin kayo sa mahabang gastusin na kakaharapin natin sa mga darating na buwan o taon.
Unang-una, ang COVID-19 ay ‘di po mawawala over the next 2 years, ayon ‘yan sa mga expert, hindi sa akin. Kung ganyan, ibig sabihin ay mahaba-habang pisi ang kailangan natin para maka-survive ang bisyo, este passion pala natin. Kasi sa panahon na may COVID, malamang sa malamang, wala pong sabong na papayagan ang gobyerno.
Pangalawa, dahil hirap ang buhay, ang pagmamanok ay siguradong pag-uusapan ng pamilya. Dapat lang naman kasi ang tanong ngayong crisis, alin ang dapat unahin natin —manok o pamilya? Siyempre obvious naman ang sagot diyan.
Pangatlo, maraming pamilya ang nakasandal sa industriya ng sabong kagaya ng mga kristo, mananari, mang-uulot, farm hands, farm manager, handler, pati mga nagtitinda ng gamit ng sabungero apektado lahat. Kung hindi tayo makaka-survive na backyard at farm owners, paano sila niyan? Wala namang ibang magandang option, mas mahirap maghanap ng trabaho ngayon.
“Kaya higit kailanman pag-isipan natin kung paano makaka-survive ang mga palahi natin kung tumagal nga ng 2 years itong COVID. Nakakatakot po ito kasi napakalaki ng gastos na haharapin. Kung ‘di ka rin aabot sa dulo o kinapos ka ng budget, baka humantong sa katay o pamigay ang mga manok. Olats tayo ‘pag nagkaganoon, baka masisi pa tayo ni misis at mga anak natin bakit hindi pa natin itinigil umpisa pa lang ng pandemic ang bisyo, este passion natin,” ani Bangis.
“So, ang pag-aalaga ngayon ng manok panabong ay isang napakalaking sugal para sa akin. Ang puhunan o budget mo for 2 years ang nakasalang dito. Pahabaan ng pisi. Pahabaan ng pasensiya. Pakapalan ng mukha sa pamilya. Kaya dapat mas lalo tayong maging praktikal sa ganitong panahon. Survival mode na ang tirada, hindi na basta bisyo bisyo lang, este passion passion pala,” dagdag pa niya.
Comments are closed.