By Reynaldo C. Lugtu, Jr.
SA PAGLAPIT ng Pasko, isang malaking bahagi ng kasiyahan ay ang pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo. Subalit minsan, marami sa atin ang nahihirapan sa pagpili ng tamang regalo na hindi lang nakakatuwa kundi praktikal na rin.
Narito ang ilang ideya ng mga regalo na siguradong mapakikinabangan ng sinuman:
1. Power bank nahigh capacity at iba pang similar items
Sa mundo ngayon kung saan ang mga cellphone ay parang extension ng ating sarili, isang power bank na mataas ang kapasidad ay talagang praktikal. Ito ay makatutulong sa mga taong palaging on-the-go o kaya naman ay nagtatrabaho gamit ang kanilang mga gadgets. Bukod dito, praktikal ding magregalo ng extension cord para sa mga laging nasa labas nagtatrabaho o nag-aaral.
2. Reusable water bottle at iba pang storage containers
Isa itong regalo na hindi lang maganda sa kalusugan kundi pati na rin sa kalikasan. Ang reusable water bottle ay maaaring dalhin kahit saan, kaya madaling maibsan ang pangangailangan sa tubig nang hindi gumagamit ng single-use plastics. Ang mga reusable storage containers ay mainam na panregalo din lalo na sa mga mahilig magluto at magbaon ng sariling pagkain.
3. Cookware set
Para sa mga nagmamahal sa pagluluto, isang set ng mga praktikal at matibay na kagamitan sa kusina ay regalo na hindi malilimutan. Maaari itong maglaman ng mga non-stick pans, spatulas, at iba pang kasangkapan na siguradong magagamit araw-araw.
4. Emergency kit o go-bag
Sa kahit anong oras, maaari tayong mapadpad sa mga sitwasyon na nangangailangan ng handa at maayos na kagamitan. Ang emergency kit o go-bag ay maaaring maglaman ng basic na pangangailangan tulad ng first aid kit, flashlight, at iba pang kagamitang makatutulong sa oras ng pangangailangan.
5. Mga grocery o pantry items
Sa mahal ng bilihin ngayon, praktikal na magregalo ng bigas o mga grocery/pantry items katulad ng dishwashing liquid, trash bags o sabon sapagkat alam natin na talagang magagamit ito.
Bilang bahagi ng pagsusuri sa kahalagahan ng pagiging praktikal ng mga regalo, mahalaga rin ang aspeto ng pagiging wais at matipid sa pang-araw-araw na buhay. Ang pagiging wais at matipid ay naglalarawan ng disiplina sa pagbabadyet at pagiging creative na rin dahil sa pagpili ng mga regalo, naipakikita natin ang pagiging matipid sa pamamagitan ng pagpili ng mga bagay na may mataas na kalidad ngunit hindi nangangahulugang mahal.
Halimbawa, ang pagpili ng mga produktong pangmatagalan o multi-purpose ay isang paraan ng pamumuhunan na nagdadala ng pangmatagalan at pangkalahatang halaga. Ito rin ay nagbibigay daan sa pagtaguyod ng ekonomiya at sa pangangalaga sa ating pera.
Ang pagiging wais at matipid ay hindi lamang naglalayon ng kahusayan sa personal na pinansyal na aspeto kundi pati na rin ng pangangalaga sa kalikasan at pagtulong sa iba, at bagkus nagiging bahagi ng diwa ng Pasko na hindi lamang nakapagbibigay ng saya kundi pati na rin ng mga bagay na may malalim na kahulugan.
Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kumpanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa [email protected]