PRANGKISA NA ‘DI NA-RENEW PINAG-AARALAN NG LTFRB

PINAG-AARALAN na ng LTFRB ang mga prangkisa at rehistro ng mga pampubilkong sasakyan na hindi naipa-renew nitong mga nagdaang taon dahil sa pandemya.

Ayon kay LTFRB chairperson Atty. Cheloy V. Garafil, inatasan na niya ang kanyang executive director para tingnan ang bagay na ito dahil marami ang nakikiusap na driver at operator ng mga pampublikong sasakyan sa ahensiya kung puwedeng ilibre na muna ang mga multa sa kabiguang maipa-renew ang kanilang prangkisa at rehistro ng kanilang sasakyan.

Ayon pa kay Garafil, nakadepende sa pagrepaso ng LTFRB kung ilan ang target nila na posibleng pagbigyan na ang multa.

Para naman sa mga pampublikong sasakyan na walang nakuhang special permit to operate ngayong binuksan na ang maraming ruta kasabay ng pagbubukas muli ng klase, sinabi ni Garafil na kinakausap nila ang mga lokal na pamahalaan para pagbigyan na muna ang mga ito at huwag na muna silang hulihin.

Sa panig naman ng MMDA, pumayag naman ito sa mungkahi ng LTFRB.

Gayunpaman, nilinaw ni Garafil na special permit lamang ang pinag -uusapan dito at ang ibang paglabag na magagawa ng mga driver gaya ng reckless driving, beating the red light at iba pa ay hindi pa rin paliligtasin. Beth C