PRANGKISA NG 3RD TELCO DEDESISYUNAN NG MGA SENADOR SA SUSUNOD NA LINGGO

3rd telco

HAHAYAAN ni Senadora Grace Poe ang kanyang mga kasamahan na magdesisyon sa prangkisa ng Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. (Mislatel), na iginiit ni Minority Leader Franklin Drilon na itinuturing nang walang bisa dahil sa mga paglabag.

Ayon kay Poe, chairperson ng Senate public services committee, gagawin  niya ang committee report at isusumite ito sa plenaryo sa susunod na linggo para mabigyan ng pagkakataon ang mga senador na masu­sing matalakay ang mga isyu na bumabalot sa validity ng prangkisa ng Mislatel.

Kahapon ay tinapos na sa ikaapat na pagdinig ng komite ang kuwestiyonableng pagpili sa Mislatel bilang ikatlong telco sa bansa.

Sa naturang pagdinig ay muling naungkat ang mga paglabag umano ng Mislatel kung kaya pinag-iisipan ng Senado kung ikokonsidera ang prangkisa o babawiin ito.

Binigyang-diin ni Poe na ang panawagan ng publiko ang nais niyang bigyan ng pansin sa pagbibigay ng mabilis at murang internet na pagpipilian sa pamamagitan ng  ikatlong telco.

Aniya, kung papayagan ng kanyang komite ang prangkisa ng Mislatel at paboran ito ng mga senador ay hindi na mababawi ng kompanya ang kanilang P27 billion bond sa sandaling pumalpak sa operasyon at hindi maibigay ang internet speed na ipinangako nito sa gobyerno at publiko.

Dagdag pa ni Poe, maaari rin itong makuwestiyon sa korte at posibleng maantala rin ang operasyon ng third telco. VICKY CERVALES