INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bagaman mayroong ibang kumpol ng grupo sa maganap na transport strike, hindi naman nagdulot ng matinding traffic congestion at agad naremedyuhan.
Sa pangyayaring ito, sinabi ni MMDA Acting Chairman Romando Artes na panahon na para repasuhin ang prangkisa ng mga transport group na nagsasagawa ng tigil pasada.
Ani Artes, sa ginagawa ng grupo ay walang balak ang mga ito na sumunod sa jeepney modernization program na ganap ng batas.
Dahil batas na ang nasabing programa, dapat itong sundin subalit nakakatatlong beses nang nag-tigil pasada ang transport group sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya nararapat na ang pagrepaso sa kanilang prangkisa.
Kaugnay nito, naging mapayapa ang pangkalahatang tigil-pasada na ikinasa ng grupong Manibela na kanilang inanunsyo na paiiralin sa buong bansa.
Bagaman mayroong mga pagbibigat ng trapiko dahil sa demonstrasyon ng mga tsuper sa Paranaque at Baclaran panandalian lamang ito at minimal lang ang epekto.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na walang anumang untoward incident report siang natanggap kaya masasabing mapayapa kahapon.
EUNICE CELARIO
F2F SINUSPINDE,
ONLINE CLASSES TULOY
INIHAYAG ng mga lokal na pamahalaan ng Pasay, Parañaque at Las Piñas ang suspensyon ng face-to-face (F2F) classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa kani-kanilang lungsod dahil sa ikinasang transport strike kahapon.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang pag-anunsyo ng suspensyon ng face-to-face classes sa lungsod ay ang posibleng idudulot na kawalan ng masasakyan ng mga mag-aaral, guro at kawani ng paaralan dahil sa inaasahang nationwide transport strike.
Dahil dito, ang pagpapatupad ng online/module classes ang pansamantalang pamamaraan ng pagtuturo ng mga guro kasabay ng pagkatuto naman ng mga mag-aaral.
Naglatag na rin ng contingency plan ang lungsod sa pamamagitan ng pagtatalaga ng dalawang bus, 10 L-300 vans at 10 Etrikes na naka-standby sa harap ng Pasay City hall para sa pag-rescue ng mga mai-istranded na pasahero sa kalsada habang ang lahat ng mga traffic enforcers naman ay inataasan na magsagawa ng monitor groupings at agad na makipag-ugnayan sa lokal na pulisya sa anumang magaganap na pangyayari.
Sa Parañaque City, ipinag-utos na rin ni City Mayor Eric Olivarez ang pansamantalang pagsasagawa ng online classes bilang alternatibong learning modality.
Sa gitna ng pagsasagawa ng transport strike ay mag-aalok din ng “Libreng Sakay” ang lokal na pamahalaan para sa mga mananakay na maapektuhan ng transport strike.
May kabuuang 40 government vehicles ang itatalaga sa mga pangunahing kalsada sa lungsod upang matulungan ang mga mai-istranded na pasahero patungo sa kanilang mga destinasyon.
Sa panig naman ni Las Piñas Mayor Imelda Aguilar, bagaman kanyang ipinag-utos ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas ng mga paaralan sa lungsod ay mananatili pa ring bukas ang mga tanggapan sa city hall para ipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
MARIVIC FERNANDEZ