PRANGKISA NG SOLAR NG BAYAN TINUTUTULAN?

Magkape Muna Tayo Ulit

INAPRUBAHAN na ang kontrobersiyal na House Bill 8179 na magbibigay sa Solar Para Sa Bayan (SPSB) Corporation ng prangkisa na mag-distribute ng renewable energy sa loob ng susunod na 25 taon.

Kung tuluyan itong maisasabatas, ibig sabihin ay mabibigyan ng prangkisa ang SPSB na may tagal na 25 taon upang magbigay ng serbisyo sa mga probinsiya sa bansa na masasabi natin na hindi inaabot ng linya ng kor­yente dahil sa lokasyon ng kanilang komunidad. Ibig sabihin nito ay ang mga lugar sa mga bulubundukin o kaya ay isla na mahirap malagyan ng linya ng koryente.

Sa kasalukuyan, 13 probinsiya ang nabibilang sa nasabing kondisyon. Ang mga ito ay ang Aurora, Batangas, Bohol, Cagayan, Camiguin, Campostela Valley, Davao Oriental, Isabela, Masbate, Misamis Occidental, Occidental Mindoro, Palawan at Tawi-Tawi.

Bago pa man tulu­yang naaprubahan ang House Bill 8179, may mga miyembro na ng House of Representatives na nagpahayag ng ‘di pagsang-ayon sa panukalang batas na ito. Ang House Bill 8179 ay tinawag na ‘unconstitutional super franchise’.

Ang SPSB Corporation ay pag-aari at pina­ngangasiwaan ni Leandro L. Leviste, ang 25 taong gulang na anak ni Senadora Loren Legarda. Siya rin ang nagtatag ng Solar Philippines, ang kasalukuyang pinakamalaking solar energy provider sa buong Timog-Silangang Asya.

Naaprubahan ang panukalang batas sa kabila ng ‘di pagsang-ayon dito ni Sen. Sherwin Gatcha­lian. Si Gatchalian ang kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Energy. Iginigiit ni Gatchalian na hindi malinaw ang depinisyon ng ‘underserved’ sa probis­yon ng House Bill 8179. Sa probisyong ukol dito, nakasaad na maituturing na ‘underserved’ ang isang probinsiya kapag ito ay nakaranas ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente ng 12 beses sa loob ng isang taon bago ito nai­deklarang ‘underserved’. Sa pahayag ni Gatchalian ay binigyang-diin niya na hindi nakasaad sa probis­yon ng panukalang batas ang basehan ng dalas ng pagkaantala ng koryente pati ang malinaw na depinisyon ng ‘interruption’ sa bicameral report.

Ang Association of Isolated Electric Cooperatives, Inc. (AIEC) ay naniniwala na may mga idinagdag sa probisyon ng panukalang batas na mga bahagi ng napagkasunduan na hindi isinama noong panahon ng mga plenary discussion at pampublikong pagdinig.

Ayon sa AIEC, malakas ang kanilang kutob na ang tunay na intensiyon ng ‘super franchise’ na ito ay ang iwasan ang competitive selection process (CSP). Karamihan sa 13 probinsiya kung saan maaaring mag-distribute ng koryente ang SPSB ay may mga kasalukuyan nang distribution utility (DU). Ilang buwan pa lamang ang nakararaan mula nang lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na ipasailalim sa CSP ang lahat ng power supply agreement (PSA) ng mga DU na isinumite sa Energy Regulatory Commission (ERC). Hindi dapat ligtas ang SPSB sa desisyong ito.

Sinang-ayunan din ng AIEC ang pahayag ni Gatchalian ukol sa bilang ng pagkawala ng kor­yente sa probinsiya na nakasaad sa probisyon ng panukalang batas bago ito matukoy na probinsiyang maaaring bigyan ng serbisyo ng SPSB. Sa kanilang paliwanag, marami raw kasing maaaring ma­ging dahilan ng pagkawala ng koryente sa isang lugar. Maaaring dahil ito sa operasyon ng planta ng koryente, kalamidad, kalidad ng supply, at iba pang mga dahilang hindi na kontrolado ng mga DU. Ayon sa ERC, ang pamantayan sa bilang ng pagkakataon na naaantala ang serbisyo ng kor­yente ay 20. Ito ay ayon sa masusing pag-aaral ng mga eksperto. Ibig sabihin, kapag naisabatas ang House Bill 8179, maaari nang pasukin ng SPSB ang anumang probinsiya na papasok sa kanilang probisyon.

Dagdag pa ng AIEC, nasasaad sa probisyon ng House Bill 8179 na pinapayagan ito na guma­mit ng Hybrid Techno­logy. Ibig sabihin, hindi ito limitado sa solar energy. Maaari itong mag-supply ng koryente gamit ang iba pang source gaya ng diesel, baseload, at iba pa dahil maituturing itong Hybrid Technology.

Umaapela ang AIEC kay Pangulong Duterte na gamitin nito ang veto power ukol sa usapin. Suntok sa buwan ang hangad ng AIEC. Subalit may punto ang nasabing grupo.

Comments are closed.