PRANGKISA NG SPB NILAGDAAN NA NI DUTERTE

SPB

ISA nang ganap na batas ang Republic Act No. 11357 na nagbibigay ng 25 taong prangkisa sa Solar Para sa Bayan Corporation (SPB), isang kompanya na pag-aari ng anak ni dating Senador at ngayo’y Antique Congresswoman Loren Legarda.

Ang R.A. No. 11357 na may titulong “An Act Granting Solar Para sa Bayan Corporation a Franchise to construct, install, operate and maintain distributed energy resources and micro grids in the remote areas in selected provinces of the Philippines to improve access to sustainable energy” ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 31, 2019.

Sa pinadalang text message, kinumpirma ni Presidential Adviser on Legislative Affairs Secretary Adelino Sitoy na natanggap na nila kahapon ang kopya ng nabanggit na batas.

Sa ilalim ng bagong batas, susuplayan ng elek­trisidad ng nabanggit na kompanya na pagmamay-ari ni Leandro Legarda Leviste ang mga malalayong lugar sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nakasaad sa batas na dapat tiyakin ng grantee (SPB) na ang sisingilin sa mga consumer ay yaong true cost at walang anumang subsidy mula sa gob­yerno at ang retail rates ay dapat aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Inaatasan din ang SPB na magsumite ng annual report sa ERC, Department of Energy at Kongreso upang matiyak na naipatutupad ang mga terms at conditions na nakasaad sa batas.

Sa sandaling hindi makapagsumite ng itinakdang annual report ay papatawan ng limang libong piso (P5,000.00) kada araw ng non-compliance ang grantee. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.