PRAYER POWER

NASASADLAK sa maraming pagsubok ang mundo ngayon, hindi lamang dito sa ating bansa kundi sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Marami ang may sakit, maraming namamatayan, dumaranas ng gutom, karahasan, kalungkutan, at kahirapan, may mga giyera at kalamidad pang kasabay. Lahat tayo ay dumaraan sa matinding krisis at marami sa atin ang nais nang sumuko at napanghihinaan na ng loob.

Mahalaga ang pagkilos o gawa, ngunit kasing halaga rin nito ang pagkilalang hindi natin malalagpasan ang mga ito nang walang tulong mula sa Itaas. Sa Diyos pa rin tayo kukuha ng lakas, maghihintay ng awa, at huhugot ng pag-asa. Huwag sana nating kalimutan ang kahalagahan ng panalangin sa gitna ng madilim na yugtong ito ng ating kasaysayan.

Napatunayan na ang bisa ng panalangin. Kumbaga, subok na ito hindi lamang ng mga Katoliko kundi pati ng halos lahat ng relihiyon sa mundo. Kaya tayong isalba nito mula sa sakit, kalamidad, kapahamakan, at lahat ng masama at paghihirap. Gawin natin araw-araw ang pagdarasal, ang pag-usal ng taos-pusong panalangin, mag-isa man o kasama ang pamilya o ibang tao.

Buong pagpapakumbaba tayong lumapit sa Maykapal at taimtim na hilingin sa Kanya ang ating nais. Higit sa lahat, mahalaga ang tiwala na tayo ay didinggin Niya. Maaari nating gamitin ang sariling salita o puwede ring dasalin ang nakasanayan na. Narito ang ilang bahagi ng Bibliya na maaari nating bisitahin kung tayo ay mananalangin:

Awit 32 – Kapatawaran at kagalingan

Awit 23 – Kapayapaan at kaunlaran

Awit 91 – Proteksiyon mula sa sakit, panganib, digmaan, at iba pa

Awit 104 – Pagpupuri sa Panginoon

Comments are closed.