TAHASANG sinabi ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na ang ‘prayer power’ ay maituturing na isang bagong uri nang pagpapakita ng pagtutol, paninindigan at paglaban ng mga mamamayan sa mga maling kaganapan sa bansa.
Ang pahayag ni David, bise presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay bunsod nang patuloy na pananalangin para sa kanila ng mga grupo ng mga mananampalataya na nagpapahayag ng suporta hindi lamang sa kanya kundi maging sa iba pang mga lingkod ng simbahan na inuusig at inaakusahan ng sedisyon, dahil sa pagpapahayag ng katotohanan.
Ani David, ang suporta at pananalangin ng mga mananampalataya at iba’t ibang institusyon ng simbahan tulad ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines, Sangguniang Laiko ng Pilipinas at iba pang lay institutions ay nagpapalakas ng loob ng mga lingkod ng Simbahan sa paninindigan sa katotohanan.
“Gusto kong magpahayag ng aking taos-pusong pasasalamat sa Association of Major Religious Superiors (in the Philippines) gayundin sa Sangguniang Laiko (ng Pilipinas) at iba pang mga Lay movements. This is good ang tawag ko Prayer Power the new form of resistance we don’t call it people power we call it prayer that binds people together, in solidarity together…” anang Obispo sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Naniniwala rin si David na madagdagan pa ang mga prayer warrior na mariing nananalangin para sa katotohanan, kapayapaan at kapakanan ng bansa.
Sa kanyang counter-affidavit, nilinaw ni David na hindi maituturing na sedisyon ang kanyang pagtulong sa mga biktima ng extra-judicial killings at pakikipagtulungan sa local na pamahalaan para sa rehabilitasyon ng mga drug dependent.
Samantala, ipinaalala naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, sa mga mamamayan na hindi tugon ang pananahimik sa mga walang basehang pang-aatake sa bansa.
Iginiit ng Obispo na ang pananahimik sa hindi makatarungang pag-atake sa kahinaan ng mamamayan ay sasamantalahin lamang ng ilang indibiduwal.
Sa panig naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., nagpaabot siya ng pasasalamat sa mga mamamayan na sumusuporta hindi lamang sa kanya kundi sa iba pang mga Obispo, Pari at Laiko na pinararatangan ng pakikisangkot sa oposisyon sa sinasabing destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Aniya, mahalagang patuloy na manindigan sa tama at suportahan ng mamamayan ang mga ginigipit ng pamahalaan upang maipamalas ang pagkakaisa para sa pagkakaroon ng katarungan at kaayusan sa bansa.
Sina David at Bacani ay kabilang sa mga lingkod ng Simbahang Katolika na kasama sa 36 na personalidad na sinampahan ng sedition case ng PNP-CIDG sa Department of Justice (DOJ) kasama sina dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.