PRAYER VIGIL PARA SA MGA ALAGAD NG SIMBAHAN VS SEDISYON

Balanga Bishop Ruperto Santos-4

MAKIKIISA  ang Diyosesis ng Balanga sa pagbibigay ng buong suporta sa mga obispo at pari ng Simbahan na kasalukuyang nahaharap sa kasong sedisyon sa Department of Justice (DOJ), sa pamamagitan ng pagdaraos ng prayer vigil, kasabay nang prayer vigil na isasagawa rin ng Cubao Diocese ngayong Sabado.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos,  magtitipon at magdiriwang ng Banal na Misa ang mga Pari ng diyosesis dakong 6:00 ng gabi ngayong Sabado, Hulyo 27.

Kasabay ito nang gagawing prayer vigil at prusisyon ng Cubao diocese na pangunguhan naman ng vicar general nito na si Father Steven Zabala, at isasagawa sa harapan ng tahanan ng obispo, matapos ang isang banal na misa, ganap na 6:00 rin ng gabi.

Partikular umanong iaalay ito kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, na dati ring Obispo ng Balanga.

Si Ongtioco ay kabilang sa mga indibidwal na kinasuhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group ng kasong sedisyon sa DOJ kamakailan.

“This is our solidarity with the Diocese of Cubao and our filial support with Bishop Nes [Ongtioco],” ani Santos, sa panayam sa church-run Radio Veritas. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.