PRAYORIDAD SA ZAMBALES INILATAG NI GOV. EBDANE

ZAMBALES – INILATAG ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang mga prayoridad na programa kasabay sa mass induction ng mga newly-elected provincial at municipal officials na ginanap sa Peoples Park nitong Martes.

Kabilang sa mga programa na prayoridad ni Ebdane ay ang kalusugan, edukasyon, kabuhayan, pabahay, at imprastraktura sa susunod na 3-taon at binigyang-diin ang pangangailangan sa pagbabago.

Nabatid na nagbigay ng budget na P100-milyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na magsisilbing inisyal na pondo para sa Phase 1 ng upgrade para sa dalawang district hospital, kabilang ang Ospital ng Sta. Cruz.

Inihayag din ni Ebdane na nakapagbigay ng P46-milyong tulong-pinansiyal mula sa Office of tge President, ilang Senador, at sa provincial Treasury para sa 23,000 estudyante sa nasabing lalawigan.

Hiniling din ng gobernador sa mga opisyal ng munisipyo na tukuyin at planuhin ang pagkakaroon ng mga resettlement area para sa nangangailangan ng pabahay partikular ang mga informal settler.

Gayunpaman, kahit may pandemic ay tumaas ang financial performance ng lalawigan noong 2019 mula sa budyet na P1.62 bilyon, naging P1.9 bilyon noong 2020 at P2.42 bilyon sa 2021.

Maging ang environment revenue collection mula P75.2 milyon noong 2019, P118.5 milyon sa 2020, at P201.8 milyon noong 2021. Bunsod nito ay kinilala ng Bureau of Local Government Finance ang Zambales bilang top performer in Region 3 noong 2020 at ika-4 sa national level noong 2021 for year-on-year growth in locally sourced revenues. MHAR BASCO